MAYNILA. Isusulong ni Cong. Erwin Tulfo at ng mga kasamahan niya mula sa ACT-CIS Partylist ang isang panukala na magbibigay ng libreng gamot para sa leptospirosis at tetano sa pamamagitan ng PhilHealth. Ang hakbang na ito ay naglalayong tulungan ang mga pasyente na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng bagyo, baha, at sunog.
Ayon kay Cong. Tulfo, malaking tulong ito sa mga pasyente, lalo na sa mga biktima ng kalamidad sa kanilang lugar. Pahayag ni Tulfo, “Wala na nga makain dahil sa bagyo o pagbaha o naubos ang gamit dahil sa sunog tapos tatamaan pa ng leptospirosis o tetano… paano pa magpapagamot ngayon?” Dagdag pa niya, “Isa pang problema na tila nakakaligtaan ng pamahalaan ay ang pagpapagamot ng libre sa mga biktima o mga residente na tinamaan ng sakit sa paghupa ng kalamidad.”
Pinuna ng Deputy Majority Leader na ang kasalukuyang focus ng mga effort ay nasa panahon ng kalamidad, tulad ng typhoon o sunog, na tama naman. Ngunit kapag nawala na ang tubig at malinaw na ang usok, iniwan na ang mga biktima sa kanilang pagpapagamot. “Naka-focus kasi ang effort natin during the typhoon o sunog, which is tama naman, pero when the water subsides and the smoke is clear… bahala na ang mga biktima sa pagpapagamot sa sarili o kapamilya nila,” dagdag pa niya.
Panukala ni Tulfo na sagutin ng PhilHealth ang gastos sa pagpapaospital para sa mga tinamaan ng leptospirosis o tetano na dulot ng pagbaha. Ayon sa kanya, “Walang gustong tamaan ng nakamamatay na leptospirosis o tetano, pero ang problema biktima na nga siya ng kalamidad, poproblemahin pa niya ang pagpapagamot.”
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.