Philippines-US-Japan Summit sa White House, itinakda sa Abril

0
189

Magkakaroon ng kauna-unahang three-way summit sa White House ang Estados Unidos kasama ang mga lider ng Pilipinas at Japan sa susunod na buwan.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakatakdang ganapin sa Abril 11-13, 2024 ang pulong ni US President Joe Biden kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa White House.

Layunin ng trilateral meeting na palalimin pa ang ugnayan at pagkakaibigan ng tatlong bansa at pagtibayin ang kanilang magkakaibang vision para sa “free and open Indo-pacific”.

Tandaan na patuloy ang panawagan ng United States para sa isang “free” Asia-Pacific region sa kabila ng patuloy na pakikialam ng China sa mga litigadong teritoryo sa South China Sea kaya’t nananatiling mataas ang tensyon sa rehiyon.

Napagkasunduan na rin nina Pangulong Marcos at Kishida noong Nobyembre na magsimula ng negosasyon para sa isang defense pact na magpapahintulot sa kanilang magpadala ng mga tropa sa bawat teritoryo.

Pagkatapos ng trilateral meeting, magkakaroon si Biden ng hiwalay na bilateral meeting kasama si Marcos sa White House. Dito, inaasahang pagtibayin ng Estados Unidos ang matibay na ugnayan ng pakikipag-alyansa sa pagitan ng dalawang bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo