Phivolcs: Sabay-sabay na pagligalig ng 3 bulkan sa Pinas, hindi magkakaugnay

0
408

Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang sabay-sabay na pag-alburuto ng tatlong bulkan sa bansa ay nagkataon lamang at hindi magkakaugnay.

Sa isang pampublikong briefing, sinabi ni Phivolcs OIC Director Teresito Bacolcol na ang mga kasalukuyang aktibidad ng mga bulkang Mayon, Taal, at Kanlaon ay “magkakaiba at independiente sa isa’t isa.”

“Mayroon tayong 24 na aktibong bulkan at palaging may ganitong posibilidad na sabay-sabay na maging restive. Again, nagkataon lang po ito. Coincidence na may tatlong bulkan na sabay-sabay [na naging restive],” giit pa ng kalihim.

Kasalukuyang mahigpit na binabantayan ng Phivolcs ang tatlong nababagabag na bulkan—Mayon Volcano sa Albay, Taal Volcano sa Batangas, at Kanlaon Volcano sa Negros Island.

Nakataas ang alert level 3 sa Mayon mula Hunyo 8, 2023, alert level 1 para sa Taal mula Abril 9, 2022, at alert level 1 para sa Kanlaon mula Marso 11, 2020.

Sa kasalukuyan, pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga patakaran at abiso ng lokal na pamahalaan at ahensya ng pagbabantay sa bulkan.

Ang mga residente malapit sa mga nabanggit na bulkan ay hinimok na maging handa sa posibleng pagsabog ng mga ito at sundin ang mga evacuation protocols kung kinakailangan.

Ipinapaalala rin ng Phivolcs na ang pag-aaral at pagpaplano ng mga lokal na pamahalaan sa hazard zones ay mahalaga upang maprotektahan ang mga residente at mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa mga posibleng panganib dulot ng pag-aalburuto ng mga bulkan.

Sa kasalukuyan, wala pang ulat ng mga pinsala o insidente dahil sa mga pag-alburuto ng mga nababagabag na bulkan, subalit patuloy pa rin ang monitoro at pag-aaral ng mga eksperto ng Phivolcs upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Hinahangad ng Phivolcs na patuloy na magsilbi bilang gabay at mapagtibay ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga bulkan at iba pang natural na panganib upang mapalawig ang kamalayan at paghahanda ng mga Pilipino sa mga ganitong sitwasyon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo