Photojournalist nasawi habang nagko-cover ng Traslacion 2026

0
228

MAYNILA – Isang photojournalist ang namatay habang nagsasagawa ng coverage sa Traslacion 2026 sa Maynila nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Itoh Son, 54, photojournalist ng pahayagang Saksi. Ayon sa mga awtoridad, naisugod pa sa pagamutan si Son ngunit idineklara ring patay ng mga doktor.

Batay sa ulat ng Manila Police District, bago ang insidente ay nagtungo pa si Son sa Ermita Police Station 5 dakong alas-3:00 ng madaling araw upang kumuha ng mga larawan ng prusisyon. Makalipas ang ilang sandali, bigla na lamang umano siyang nag-collapse.

Kaagad siyang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit hindi na siya umabot nang buhay.

Samantala, sinabi ng Presidential Task Force on Media Security na inatake sa puso si Son na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Lumitaw rin na ilang araw nang may trangkaso ang biktima bago ang insidente ngunit patuloy pa rin siyang nagko-cover ng mga aktibidad kaugnay ng pista ng Nazareno, kabilang ang ‘pahalik’ na ginanap sa Quirino Grandstand.

Ayon sa PTFoMS, ang dedikasyon ni Son sa kanyang propesyon sa kabila ng kanyang karamdaman ay patunay ng kanyang pagmamahal sa kanyang trabaho at sa paghahatid ng mahahalagang kaganapan sa publiko. Dagdag pa ng ahensiya, ang kanyang serbisyo sa larangan ng photojournalism ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang media practitioners.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang PTFoMS sa pamilya at mga naulila ni Son at binigyang-diin na ang sinapit nito ay paalala sa mga miyembro ng media na bigyang-pansin ang kanilang kalusugan at kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Binigyang-diin pa ng ahensiya ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili upang maipagpatuloy ang paglilingkod sa publiko nang may pag-iingat at malasakit.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.