Pilipinas Got Talent finalist, muling nasakote sa buy-bust ops ng Laguna PNP

0
451

Sta. Cruz, Laguna. Nasakote ng Laguna PNP sa ikalawang pagkakataon Pilipinas Got Talent Season 6 third runner-up na si Mark Joven Olvido sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Sta. Cruz Municipal Station (MPS) sa pangangasiwa ni PLTCol Paterno L. Domondon, sa Sitio San Miguel, Barangay Duhat sa bayang ito,noong  Biyernes ng gabi, February 18, 2022.

Si Mark Joven Olvido, 32 anyos ay muling nahuli pagkatapos ng siyam na buwan na siya ay unang nadakip noong Mayo 14, 2021 sa Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna. Agad itong nakalaya noon matapos umamin sa ilalim ng plea bargaining agreement.

Ayon sa report, nakuha ng mga pulis sa kanya ang halagang Php 85,000 ng hinihinalang shabu kasama ang mark money na ginamit ng isang poseur buyer.

Sinubaybayan ng mga operatiba ng Sta. Cruz MPS Drug Enforcement Unit si Olvida matapos silang makatanggap ng sumbong na bumalik ito sa pagbebenta ng iligal na droga matapos itong lumaya, ayon sa report ni Laguna Police Acting Provincial Director PCOL Rogarth B. Campo kay Calabarzon Regional Director PBGEN Antonio C. Yarra.

Naging artista si Olvido noong sumali siya sa reality talent competition show ng ABS-CBN noong 2018 kung saan ay sumikat siya bilang isang vape master at nabigyan ng ilang acting gig sa telebisyon at pelikula.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.