‘Pilipinas maaaring matulad sa Myanmar kung magtatangka ng kudeta ang AFP’ — Teodoro

0
306

MAYNILA — Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na posibleng matulad ang Pilipinas sa Myanmar kung magtatangka ng kudeta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Teodoro, hindi dapat tularan ng AFP ang naging hakbang ng militar sa Myanmar na nagsagawa ng takeover noong 2021 at nagresulta sa pagkakaroon ng military junta. Sa kasalukuyan, tinatayang 21 porsyento ng teritoryo ng Myanmar ang kontrolado ng junta, habang 42 porsyento naman ay hawak ng mga rebelde at ethnic armies.

Batay sa ulat ng United Nations, umabot na sa tatlong milyong sibilyan ang naapektuhan ng kaguluhan sa Myanmar at 75,000 ang nasawi.

Binigyang-diin ni Teodoro na kapag may naganap na kudeta, tiyak na babagsak ang ekonomiya ng bansa at mawawalan ng tiwala ang mga banyagang kaalyado.

“Any extra constitutional measure can cause foreign countries to lose recognition internationally, and they will stop trade with the Philippines,” ani Teodoro.

Dagdag pa niya, ang tanging makikinabang lamang sa ganitong sitwasyon ay ang mga grupong nagnanais pabagsakin ang gobyerno.

Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na nananatiling tapat ang kasundaluhan sa watawat, sa Konstitusyon, at sa mamamayang Pilipino.

Giit ni Padilla, wala sa plano ng mga sundalo na masangkot sa anumang uri ng military adventurism dahil natuto na sila sa mga nabigong kudeta sa kasaysayan ng bansa.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.