Maynila — Isang Pilipino mula sa Alcala, Pangasinan na umano’y lumaban para sa Russia ang kasalukuyang itinuturing na prisoner of war (POW) matapos mabihag ng mga puwersa ng Ukraine, ayon sa ulat na lumabas sa isang opisyal na proyektong Ukrainian at kinumpirma ng mga ahensiya ng pamahalaan ng Pilipinas.
Lumitaw sa Facebook page na “I Want to Live”—isang inisyatiba ng gobyerno ng Ukraine na humihikayat sa mga dayuhang mandirigma na sumuko, ang video ni Raymon Santos Gumangan noong Disyembre 8. Sa naturang video, ikinuwento ni Gumangan na siya ay nirekrut para sa trabahong may kinalaman sa logistics, ngunit nang makarating sa Russia ay naitalaga sa ibang tungkulin.
Batay sa salaysay, noong 2024 ay lumagda si Gumangan sa kontrata sa Ministry of Defense of the Russian Federation, na nagtalaga sa kanya bilang shooter sa 51st Parachute Regiment. Noong Setyembre ng parehong taon, diumano ay nasangkot siya sa mga opensiba sa Sumy region ng Ukraine, kung saan siya ay nabihag.
Kinumpirma ng pamilya ni Gumangan na nakatanggap sila ng abiso mula sa International Committee of the Red Cross (ICRC) hinggil sa kanyang pagkakadakip. Ayon sa kanyang kapatid na si Ronie, halos hindi na nila makilala si Gumangan sa video dahil sa malaking ang ipinayat nito.
Sinabi ng pamilya na dati siyang nagtatrabaho sa isang security agency sa Pilipinas at nag-apply online para sa trabahong logistics sa ibang bansa. Ayon sa anak niyang si Raymark, isang dayuhan ang tumulong sa kanyang ama upang makakuha ang trabaho sa Russia. Sa mga unang buwan, nakakausap pa umano ng pamilya si Gumangan at naibabalita ang kanyang kalagayan.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), wala sa kanilang database si Gumangan, gayundin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang matukoy kung paano siya nakalabas ng bansa at kung anong mga hakbang ang maaaring gawin para sa posibleng repatriation at konsular na tulong.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng Ukrainian military intelligence na isang Filipinong mersenaryo ang namatay sa sagupaan sa pagitan ng mga puwersa ng Russia at Ukraine isang pahayag na muling nagbigay-diin sa lumalaking presensya ng mga dayuhang mandirigma sa nagpapatuloy na giyera.
Ayon sa international humanitarian law, kabilang ang Geneva Conventions, may karapatan ang mga POW sa makataong pagtrato at komunikasyon sa kanilang pamilya sa tulong ng ICRC. Patuloy namang hinihikayat ng DFA ang mga Pilipino na iwasan ang mga lugar ng giyera at sumunod sa mga travel advisory.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nananatiling nakatutok ang mga awtoridad sa kalagayan ni Gumangan at sa mga legal at diplomatikong hakbang upang matiyak ang kanyang kaligtasan at karapatan bilang Pilipino sa gitna ng digmaan sa eastern Europe.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






