MAYNILA. Kabilang sa 67 na nasawi sa trahedya ng banggaan ng eroplano at helicopter sa Washington, U.S., ang isang Pilipinong pulis, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang biktima na si Police Colonel Pergentino Malabed Jr., Chief of Supply Management Division, na kasalukuyang nasa opisyal na biyahe para sa pre-delivery inspection ng 2,675 all-purpose vests para sa PNP.
Sa isang pahayag, ipinagluksa ng PNP ang biglaang pagkawala ni Malabed at inilarawan siya bilang isang tapat at dedikadong opisyal. “Si Col. Malabed ay isang huwarang alagad ng batas na buong pusong naglingkod sa bayan. Ipinapaabot namin ang aming taus-pusong pakikiramay sa kanyang pamilya,” ayon sa PNP. Nangako rin ang pamunuan ng pulisya na magbibigay ng suporta sa kanyang naiwang pamilya.
Nagbanggaan ang isang American Airlines Bombardier jet at isang U.S. Army Black Hawk helicopter noong Miyerkules ng gabi sa Ronald Reagan Washington National Airport. Itinuturing itong pinakamalalang air disaster sa Estados Unidos sa loob ng mahigit 20 taon.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng trahedya, ngunit narekober na ang black boxes ng eroplano upang makatulong sa imbestigasyon. Kabilang sa mga nasawi ang mga pasahero, crew members, batang figure skaters, at ilang residente ng Kansas, kung saan nagmula ang flight.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamilya ni Malabed at sinabing nakikipag-ugnayan na ang embahada ng Pilipinas sa U.S. upang tiyakin ang maayos na repatriation ng kanyang mga labi.
Patuloy na maghahatid ng balita ang aming pahayagan hinggil sa imbestigasyon ng trahedyang ito.
Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.