Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga lumabas na balita hinggil sa isang plano ng destabilisasyon laban sa gobyernong Marcos kasunod ng courtesy resignation ng matataas na opisyal ng pulisya at ang biglaang pagpapalit sa hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinabi ni Col. Redrico Maranan, PNP Public Information officer, na fake news ang isang memorandum na kumakalat na naka-full alert ang PNP dahil sa diumano ay AFP destabilization plot.
“It’s not true but we are on heightened alert status because of the Feast of the Black Nazarene,” ayon kay Maranan.
Itinanggi rin nina Col. Jorry Baclor at Col. Medel Aguilar, AFP public affairs office chief at spokesman, na mayroong ganoong pakana at sinasabi nilang normal ang sitwasyon sa general head quarters ng militar sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Muli nilang iginiit na walang katotohanan ang bulung-bulungan ng malawakang pagbibitiw sa AFP, gayundin ang mga opisyal at tauhan ng Department of National Defense dahil sa kanilang pagkadismaya sa pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Gen. Andres Centino bilang bagong hepe ng AFP, na humalili kay Lt. Gen. Vicente Bartolome Bacarro na humawak lamang ng pinakamataas na posisyon sa loob ng halos limang buwan. Si Centino ang hinalinhan ni Bacarro.
Si Acting Defense Secretary Jose Faustino Jr. at tatlong iba pang undersecretaries ay sinasabing nagbitiw din sa kanilang mga pwesto ngunit hindi ito makumpirma sa oras ng isinusulat ang balitang ito.
Sinabi ni MGen Benedict Arevalo, AFP Western Command chief at Central Visayas commander, na normal ang lahat.
“We are focused on our current mission, which is to run after the remaining NPA (New People’s Army) and ensure to continue weakening them in terms of their membership, firearms and mass support. Our troops will remain loyal to our oath and to the chain of command. The AFP in the Visayas will remain professional and dedicated to the service of our country and people,” ayon kay Arevalo .
Si Bacarro na isang Medal of Valor awardee, ay sinasabing tinanggap at iginagalang ng mga militar at mga tauhan ng DND at ang kanyang “arbitrary replacement” ay isang sorpresa at hindi katanggap-tanggap sa kanila, ayon sa mga source na humiling na hindi magpakilala.
Ayon pa rin sa mga sources, si Bacarro ay gumagawa ng mabuti bilang hepe ng AFP at ang pagpapalit sa kanya ay hindi dapat at nagpapahina ito sa moral ng mga kawani.
Sinabi nila na sinamantala ni Centino ang kanyang mga koneksyon sa mga taong malapit sa Pangulo, kaya’t siya ay nakabalik bilang pinakamataas na opisyal ng militar.
Si Centino, na pumalit kay Bacarro sa isang change of command ceremony noong Sabado ay agad na nakipag pulong sa mga matataas na opisyal ng militar upang makuha ang hinahangad niyang suporta.
Kahapon, nakita ang mga tauhan ng pulisya na nagpapalipad ng mga drone malapit sa Camp Aguinaldo bagaman hindi malinaw kung bakit. (MB)
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.