Pinag-aaralan ni PBBM ang mungkahi sa opsyonal na paggamit ng mga face mask

0
320

Nasa ilalim na ng masusing pagsusuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa boluntaryong paggamit ng face mask sa labas.
Nabuo ang rekomendasyon matapos makipag pulong si Marcos sa mga opisyal ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Palasyo ng Malacañan sa Maynila noong Huwebes.

“Kaugnay nito, atin ngayong pinag aaralan ang rekomendasyon ng IATF ukol sa opsyonal na pagsusuot ng face mask,” ayon kay Marcos sa kanyang statement sa kanyang official Facebook page.

Sinabi ni Marcos na nakipag pulong siya sa mga opisyal ng DOH at DILG upang makakuha ng update sa laban ng bansa sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sinabi niya na siya ay “masaya” na ang pinaigting na kampanya ng pagbabakuna ng gobyerno laban sa coronavirus ay nakatulong sa pagpapababa ng mga kaso ng Covid-19.

Samantala, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kahapon na ang mga Pilipino ay kinakailangan pa ring magsuot ng face mask, maliban na lamang kung ang opsyonal na paggamit ay magiging isang patakaran.

Kailangang maglabas si Marcos ng executive order (EO) para gawing boluntaryo ang paggamit ng mga face mask, ayon kay Cruz-Angeles.

Noong Miyerkules, sinabi ng officer-in-charge ng DOH na si Maria Rosario Vergeire na ang panukala ng IATF-EID na payagan ang opsyonal na pagsusuot ng face mask ay sakop lamang ng mga low-risk na indibidwal at ilalapat sa mga low risk settings.

Kasama rin sa rekomendasyon ng IATF-EID ang pilot study sa pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay sa mga piling lugar.

Ang mungkahi ng boluntaryong paggamit ng face mask ay gagawin sa mga yugto upang matiyak ang proteksyon ng populasyon laban sa Covid-19. (PNA)

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo