Pinas handang tumugon kapag lumabas ang ICC arrest warrant laban kay Sen. Bato, ayon sa DOJ

0
340

MAYNILA – Handa ang Pilipinas na ipatupad ang anumang arrest warrant mula sa International Criminal Court laban kay Senador Ronald Bato dela Rosa sakaling ilabas ito, ayon sa Department of Justice nitong Martes.

Sa press briefing, sinabi ni Prosecutor General Richard “Dong” Fadullon na inaasahang susunod ang bansa sa anumang pormal na utos ng ICC, ngunit kailangan pa umanong talakayin ang tamang oras ng pagpapatupad.

Ipinahayag din ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na wala pang natatanggap na kopya ng warrant ang pamahalaan. Sakaling mailabas ito, maaaring isuko o i-extradite si Dela Rosa sa ICC. Mas mabilis aniya ang proseso ng surrender, ngunit maaari itong maantala dahil sa nakabinbing habeas corpus petitions ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.

“As a matter of practicality or propriety, we may have to wait for the SC to decide on the issue because our position, that is the one being questioned by the camp of the former president,” ani Chan. Idinagdag niyang maraming legal na aspekto ang kailangan pang suriin bago tuluyang makapagpasya.

Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Dela Rosa tungkol sa posibleng warrant. Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police noong administrasyon ni Duterte at naging pangunahing tagapagpatupad ng war on drugs, na tinatayang nagresulta sa hanggang 30,000 nasawi ayon sa ilang human rights groups.

Samantala, nilinaw ng DOJ na wala pang inilalabas na arrest warrant ang ICC laban sa senador, taliwas sa pahayag kamakailan ni Ombudsman Crispin Remulla na umano’y nailabas na ang kautusan.

Ayon kay Chief State Counsel Chan, hindi pa sila nakatatanggap ng anumang dokumento mula sa ICC.

Matatandaang inaresto ng Interpol at dinala sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos mailabas ang ICC warrant kaugnay sa war on drugs noong panahon ng kanyang termino.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.