MAYNILA. Naglunsad ng joint naval drills sa West Philippine Sea (WPS) ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Japan, at Estados Unidos upang palakasin ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa tumitinding agresyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang naturang “Multilateral Maritime Cooperative Activity” (MMCA) ay isang sama-samang maritime drill na naglalayong patibayin ang interoperability ng magkakaalyadong bansa.
“There’s a long line of countries in the past who have attempted to test U.S. resolve. We are resolved at this time, at this moment, to work with our partners, to reestablish the warrior ethos, to rebuild our military and reestablish deterrence, and come alongside our allies and partners,” pahayag ni US Defense Chief Pete Hegseth sa kanyang pagbisita sa Pilipinas nitong Biyernes.
Gayunpaman, nilinaw ni Hegseth na bagama’t determinado ang Estados Unidos sa pagpapalakas ng kanilang puwersa, hindi umano nais ni US President Donald Trump ng digmaan kundi kapayapaan.
Sa ginanap na naval drills, ginamit ng AFP ang guided missile frigate na BRP Jose Rizal (FF-150), AW-109 helicopter, C-90 aircraft, at search and rescue assets ng Philippine Air Force (PAF).
Samantala, nagpadala ang Japan ng multi-mission frigate na JS Noshiro (FFM-3) at maritime helicopter SH-60K, habang nag-deploy naman ang Estados Unidos ng kanilang missile destroyer DDG Shoup (DDG-86), multi-mission naval helicopter MH-60R, at maritime patrol aircraft P-8A Poseidon.
“The MMCA continuously highlights the vital improvements in our coordination, tactics, and shared maritime awareness,” ani Gen. Brawner, binibigyang-diin ang kahalagahan ng mga ganitong pagsasanay sa pagpapalakas ng depensa ng bansa sa karagatan.
Ang nasabing naval exercise ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa na ipagtanggol ang kanilang karapatan sa WPS sa harap ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo