Pinatigil na ang operasyon ng e-sabong sa buong bansa

0
411

Ipinatigil na ang operasyon ng e-sabong (online cockfighting) sa bansa matapos iutos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at pirmahan ng 23 senador ang Resolution 996.

Ang desisyon ni Duterte sa agarang pagpapatigil ng e-sabong ay batay sa rekomendasyon ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na itigil na ang operasyon nito.

Nauna dito, inatasan  ni Duterte si Año na magsagawa ng survey tungkol sa “social impact” ng e-sabong sa mamamayang Pilipino.

Ang kanyang direktiba ay kasunod ng hindi pa rin nareresolbang pagkawala ng ilang e-sabong aficionados sa bansa.

Isa sa mga findings na binagggit ni Duterte ay “kulang sa tulog ang mga sabungero sapagkat sila ay lulong na sa online sabong.” 

“It might not be sophisticated, but still, it is a survey,” Duterte said. “[It is] loud and very clear to me that it was working against our values,” ayon sa pangulo.

Ang tumataas na panawagan para sa pagsuspinde ng multibillion cockfighting industry ay umugong kasunod ng serye ng mga diumano ay pagdukot at pagkawala ng 32 sabungero sa nakalipas na ilang buwan.

Humigit-kumulang 23 senador ang lumagda sa Resolution 996 na humihimok sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na suspindihin ang lisensya sa pag-operate ng mga e-sabong operators at agad na itigil ang lahat ng kaugnay na aktibidad hanggang sa naresolba ang mga kaso ng 31 nawawalang sabong afficionados.

Nauna dito, tinanggihan ni Duterte ang mga panawagan na suspindihin ang e-sabong operations dahil kumikita ang gobyerno ng milyun-milyong piso mula sa nabanggit na betting game.

Sa halip ay hiniling niya sa Kongreso na i-regulate ang operasyon ng e-sabong sa pamamagitan ng pag-isyu ng legislative franchise.

Kalaunan ay nagpahayag si Duterte ng pagiging bukas sa mga panawagan na itigil ang operasyon ng e-sabong dahil sa nakikitang “problemang panlipunan” na kinasasangkutan ng mga lulong na sa e sabong at kanilang mga pamilya.

Nakakolekta ang gobyerno ng humigit-kumulang PHP3.69 bilyon mula sa gaming operations ng walong e-sabong licensee mula Abril hanggang Disyembre 2021, ayon sa datos na inilabas ng Pagcor.

Mula Enero hanggang Marso 15, 2022, nagkaroon ng koleksyon na humigit-kumulang PHP1.37 bilyon mula sa mga operasyon ng pitong lisensyado.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.