Pinay na inakalang namatay sa lindol sa Turkey natagpuang buhay

0
227

Natagpuang buhay ang isang Pinay na inakalang namatay sa lindol na tumama kamakailan sa Hatay province ng Turkey, ayon sa isang Filipino community leader sa Ankara.

Kinumpirma ni Cherry Santos, presidente ng Filipino community sa Turkish capital, na nasa loob ng gusali sa Hatay ang babae ng tumama ang 7.7-magnitude na lindol na nagpaguho sa mga istruktura sa sampung lalawigan. Sinabi ni Santos na ang Pinay ay kasama ng tatlong iba pang mga Pilipino, na ang kasalukuyang kinaroroonan ay hindi pa alam.

“Isang kababayan po ang na-recover na napabalita po noong una, kinonfirm po noong amo na patay na pero na-recover siya buhay po,” ayon kay Santos sa isang radio interview.

Ang Embahada ng Pilipinas sa Ankara ay nagtalaga ng isang team sa mga lungsod ng Adana at İskenderun upang ibigay ang lahat ng posibleng tulong sa mga apektadong Pilipino, kabilang ang pagkain, tubig, kumot, at pera. Ang embahada ay nakatanggap ng “steady stream of confirmed and unconfirmed” reports ng mga apektadong mamamayan at nagsasagawa ng mabilis na aksyon upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Inilikas na ng embahada ang apat na Pilipino sa mas ligtas na lokasyon sa Mersin at hinihikayat ang mga distressed national na makipag-ugnayan sa hotline nito sa pamamagitan ng telepono, WhatsApp, email, o Facebook.

Naapektuhan ng lindol ang higit sa 13 milyong katao sa Turkey at Syria. Marami pa ring biktima ang nasa ilalim ng mga durog na bato ang patuloy na pinagsisikapang mailigtas. Ang bilang ng mga nasawi ay lumampas na sa 11,000 ayon sa United Nations.

Kasama ang mga urban search and rescue team mula sa Turkey at 19 na iba pang mga bansa ang pinakilos upang tumulong sa mga pagsisikap sa rescue operations. Ang humanitarian contingent ng Pilipinas, na binubuo ng 85 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya, tulad ng Office of Civil Defense, Armed Forces of the Philippines, at Department of Health, ay umalis na rin patungong Turkey upang tumulong sa mga relief efforts.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.