Pinirmahan ni Marcos Jr. ang mga batas na magtatatag ng college of medicine sa ilang state universities

0
325

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panukalang batas na magtatakda ng pagtatatag ng College of Medicine sa ilang state universities sa bansa, ayon sa opisyal na pahayag noong Disyembre 20.

Kabilang sa mga tinutukoy na state universities na makikinabang sa nasabing batas ay ang mga sumusunod:

  • College of Medicine sa Benguet State University sa La Trinidad, Benguet (RA 11970)
  • Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon (RA 11971)
  • University of Eastern Philippines sa Catarman, Northern Samar (RA 11972)
  • Visayas State University sa Baybay, Leyte (RA 11974)

Sa bisa ng mga batas na ito, maaari nang maglaan ang mga nabanggit na state universities ng Doctor of Medicine Program, kasama ang isang Integrated Liberal Arts and Medicine Program. Layunin nito na bumuo ng isang grupo ng propesyonal na manggagamot na makakatulong sa pagpapalakas ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa.

Dagdag pa rito, nilagdaan din ni Pangulong Marcos ang RA 11973, na itatag ang Bicol University-College of Veterinary Medicine sa Ligao City, Albay. Layunin ng nasabing kolehiyo na magtaguyod ng propesyonal na mga doktor ng beterinaryo na may kakayahan sa pag-iwas, pagsusuri, paggamot, at kontrol ng mga sakit ng hayop, maging ang mga terrestrial at aquatic na hayop.

Bukod dito, ipinagkaloob ni Pangulong Marcos ang conversion ng San Isidro Satellite campus ng Leyte Normal University (LNU) sa isang regular na campus, na tatawaging “LNU-San Isidro Campus,” ayon sa RA 11968. Samantalang sa ilalim naman ng RA 11969, ginawang regular na campus ang Bataan Peninsula State University (BPSU)-Bagac Extension Campus sa Bagac, Bataan, na tatawaging “BPSU-Bagac Campus.”

Ang mga nasabing batas ay magiging epektibo 15 araw matapos ang opisyal na paglathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.