Pinky swear

0
392

Nadidinig na natin ang mga pangako ng mga presidentaibles at ilang senatoriables. Normal lang na gawin nila yon upang ligawan ang mga sektor ng lipunan. Ganun pa man, kailangan nating himayin ang mga pangako kung viable, probable at possible. Timbangin natin kung binobola tayo o nagpapakatotoo sila at kung totoong magaling sila.

Harry Pottah

Maraming pinapangako si Harry Roque na lalabang senador sa ilalim ng pakpak ng Partido Federal ng Pilipinas.

Kakatigan daw niya ang same sex marriage. Nakakatawa lang dahil wala pa ngang divorce law ay same sex marriage na talaga agad.

Naaalala ko, itong divorce ay naipangako na rin ng isang OPM (Oh Promise Me) sa isang eleksyon. Tatlong eleksyon na ang nagdaan ay nakapako pa rin ito sa 3rd reading.

Papabor daw si Roque sa legalization ng medical Marijuana. Empty promise din ito dahil hindi pa sa loob ng 20 years tatanggapin bilang gamot ang damo sa Pilipinas. Imposible ito. Sakaling ma-legalize, lalong maghihirap ang Pinoy dahil napakamahal ng addictive na MJ.

Kung dahil sa online sabong ay hindi na mabilang ang pamilyang nawawasak, paano pa sa legal na Marijuana?

Ma’am Leni

Tsitsinelasan daw niya ang gobyerno at palalakarin sa pilapil para makarating sa iyo. Ito ang banat ni Ma’am Leni sa kanyang proclamation rally. Alam ng mga magbubukid kung gaano kahirap tumawid sa pilapil. Hindi wise na mag tsinelas dahil madulas ang basang putik. Mas ok kung nakapaa.

Sakaling makatawid, ang darating sa iyo ay isang gobyernong putikan, pagod, uhaw at gutom.

May mga feeder roads na ngayon sa mga bukid. Ba’t di na lang mag traysikel para safe?

Ano ang inilalarawan ng pamimilapil ng gobyerno? Hindi ko pa maisip ang talinhaga sa likod nito sa ngayon.

Puto Bungbong

Ibabalik daw ni Bongbong Marcos ang Kadiwa ng Bagong Lipunan. Hindi yata niya nabalitaan na matagal ng may Kadiwa ni Ani at Kita ang Department of Agriculture? Akala ko sa Marcos regime lang siya hindi updated. Hindi rin pala siya up to the minute sa mga goings on ng kasalukuyang gobyerno. Kaya ba ayaw niya ng dumalo sa mga public debate?

Ping Go

Gagawin daw right size ni Ping ang ‘bloated’ na bureaucracy. Napakaraming Usec, sabi nya. Nauubos daw ang pera ni Juan de la Cruz sa isang damakmak na swelduhan sa gobyerno na wala namang mahalagang pinapapelan. Totoo naman.

Sa kabila nito, alam kaya ng Kuya Ping na ang mga local government units ay naging takbuhan na ng mga jobless. Maliit lang ang sweldo ng isang casual employee pero maraming nagtityaga dahil mabuti kesa wala.

Bukod sa mga pangako, kailangan ding lumikha ng trabaho para sa madla. Kung paano makakalikha, ito sana ang kwentong nais kong marinig.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.