Pinoy kabilang sa nailigtas sa cargo ship na inatake sa Gulf of Aden

0
408

MAYNILA — Isang Pilipino ang kabilang sa 19 na tripulante ng barkong Minervagracht na nailigtas matapos itong atakihin gamit ang pampasabog sa Gulf of Aden, ayon sa EU maritime mission na Aspides.

Ayon sa ulat, binubuo ang tripulante ng mga Russian, Ukrainian, Filipino, at Sri Lankan. Isa ang sugatan ngunit nasa stable na kondisyon habang isa pa ang malubhang nasugatan at dinala sa Djibouti para sa agarang gamutan.

Sa panayam, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Angelica Escalona na ang Department of Migrant Workers (DMW) ang magsusuri kung kabilang nga ang mga Pilipino sa sakay ng naturang barko.

“The Department of Migrant Workers may verify with manning agencies if Filipinos were part of the crew and ascertain their conditions,” ani Escalona sa GMA News Online. Humihingi rin ng karagdagang impormasyon ang GMA sa DMW ngunit wala pa itong tugon hanggang sa ngayon.

Ayon sa operator ng barko na Spliethoff na nakabase sa Amsterdam, tinamaan ang Dutch-flagged general cargo ship Minervagracht ng isang hindi pa natutukoy na pampasabog habang nasa international waters ng Gulf of Aden. Nagdulot ito ng malubhang pinsala at sunog sa barko, na kasalukuyang naglalayag nang walang direksiyon.

Nangyari ang pagsabog sa layong 128 nautical miles timog-silangan ng port ng Aden, Yemen. “The MV Minervagracht is on fire and adrift,” ayon sa Aspides, na nagsabi ring hindi humiling ng proteksiyon ang barko bago ang insidente.

Hindi pa malinaw kung ang pag-atake ay kagagawan ng Iran-aligned Houthi rebels mula Yemen, na mula pa noong 2023 ay paulit-ulit nang umatake sa mga barkong itinuturing nilang konektado sa Israel bilang pakikiisa sa mga Palestino sa gitna ng giyera sa Gaza.

Kung makukumpirma, ito ang unang pag-atake ng Houthis sa isang commercial ship mula noong Setyembre 1, nang atakihin nila ang Israeli-owned tanker na Scarlet Ray malapit sa Yanbu, Saudi Arabia.

Noong Hulyo, lumubog ang dalawang barko ang Magic Seas bulk carrier at Eternity C cargo ship matapos atakihin ng Houthis sa Red Sea. Ang huling malakihang pag-atake ng grupo sa Gulf of Aden ay noong Hulyo 2024, nang targetin nila ang Singapore-flagged Lobivia container ship.

Ayon sa British security firm na Ambrey, ang Minervagracht ay nauna nang tinarget noong Setyembre 23 habang patungo sa Djibouti.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo