Pinoy sa Thailand at Cambodia, pinayuhang umiwas sa mga lugar ng bakbakan

0
388

MAYNILA. Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia ang mga Pilipino na iwasan ang mga lugar sa border ng Cambodia at Thailand na apektado ng kaguluhan, sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

“Manatiling malayo sa mga lugar kung saan may naiulat na operasyong militar. Iwasan ang mga kampo, pasilidad, at puwersang militar,” ayon sa abiso ng embahada na ipinost sa Facebook nitong Huwebes.

Hinimok din ang mga Pilipino na patuloy na subaybayan ang balita para sa pinakabagong update sa seguridad, at sundin ang lahat ng opisyal na tagubilin mula sa pambansa at lokal na awtoridad upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na ipagbigay-alam ang kanilang kalagayan at kasalukuyang lokasyon sa embahada sa pamamagitan ng:

ATN Hotline: +855 98 888 771 (Call/SMS/Viber/Telegram/WhatsApp)
ATN Email: phnompenhpe.atn@dfa.gov.ph

“The safety and well-being of all Filipinos remain our top consideration,” ayon pa sa embahada.

Partikular na pinayuhan ang mga naninirahan sa mga lalawigan ng Oddar Meanchey at Preah Vihear sa Cambodia na sagutan ang online survey ng embahada upang makatulong sa koordinasyon.

Dagdag ng embahada, “The Philippine Embassy in Cambodia stands ready to assist affected Filipinos and will continue to closely monitor the border situation. Those in need of immediate assistance or further guidance may contact the Embassy directly.”

Ayon sa Reuters, umabot na sa 20 ang nasawi at higit 130,000 ang nawalan ng tirahan dahil sa sagupaan sa hangganan ng Thailand at Cambodia. Nag-ugat ang tensyon nang akusahan ng Thailand ang Cambodia ng paglalagay ng landmine sa pinagtatalunang lugar, dahilan para masugatan ang tatlong sundalo. Mariing itinanggi ng Cambodia ang alegasyon, at sinabing lumihis ang mga sundalong Thai sa itinakdang ruta at naapakan ang lumang mine na naiwan mula sa mga nakaraang digmaan.

Nanawagan naman ang Pilipinas sa dalawang bansa na resolbahin ang sigalot sa mapayapang paraan alinsunod sa pandaigdigang batas.

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, idineklara ng Thailand ang martial law sa walong distrito na nasa hangganan ng Cambodia nitong Biyernes.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.