Pinsala ng El Niño sa agrikultura umabot na sa P5.9B

0
378

Patuloy ang paglaki ng pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng El Niño phenomenon sa mga nakaraang linggo. Ayon sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa tinatayang P5.9 bilyon ang pinsalang idinulot nito, ayon sa Bulletin No. 9 ng ahensya.

Nagbigay pahayag si DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam, kung saan binanggit niya na ang pinakamalaking pinsala ay naitala sa sektor ng palay na umabot sa PHP3.1 bilyon. Kasunod nito ang pagkawala sa produksyon ng mais na nagkakahalaga ng P1.76 bilyon, at ng mga high-value crops na umabot sa P958 milyon.

Ang Mimaropa region ang nananatiling pinakaapektadong lugar sa bansa na may pinsalang umabot sa P1.71 bilyon, sinundan ng Region 6 (Western Visayas) na may P1.5 bilyong pinsala, Cordilleras na may P768 milyong pinsala, at Cagayan Valley na may P562 milyong pinsala.

Bagaman malaki ang pinsala, iginiit ni De Mesa na ang 58,000 ektarya ng rice production area na napinsala ay 2.27 porsyento lamang ng kabuuang taniman ng palay na umaabot sa halos 2 milyong ektarya.

Sa gitna ng pagdurusa ng mga magsasaka at mangingisda dulot ng tagtuyot, hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan. Ipinamahagi ng DA ang tulong na nagkakahalaga ng P2.18 bilyon upang maibsan ang epekto ng krisis sa sektor ng agrikultura.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo