Pirmahan sa Cha-cha, nasa 600 munisipalidad at siyudad na

0
225

Nakatanggap na ang Commission on Elections (Comelec) ng halos 600 na munisipalidad at siyudad mula sa buong bansa para sa “People’s Initiative (PI)” na naglalayong isagawa ang Charter Change o Cha-cha.

“Sa ngayon, as of this time, mga kulang-kulang 600 na na municipalities and cities and again patuloy ‘yung pagka-classify namin kung ‘yang mga municipalities na ‘yan and cities ay belonging to a particular district or what. Ongoing po ang ginagawa naming ‘yan,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.

Ang lokal na tanggapan ng Comelec ay patuloy na tumatanggap ng mga form para sa mga pirma, habang sinusuri ng pangunahing opisina ng Comelec kung aling mga legislative district kabilang ang mga munisipalidad at siyudad.

“We will definitely look into each and every signature. Meaning, we will have to compare the signatures doon sa mga record na mayroon kami, ‘yung Voter’s Registration Record at Election Day Computerized Voter’s List,” dagdag pa ni Garcia.

Sa pagsusuri sa “signature pages”, itinanong sa mga botante kung pabor sila na amyendahan ang Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution. Ito’y sa pamamagitan ng pagpayag sa lahat ng miyembro ng Kongreso na sama-samang bumoto sa panukalang mga pag-amyenda sa isang constituent assembly.

Ayon sa 1987 Constitution, maaaring magpanukala ng pag-amyenda ang taumbayan sa ilalim ng people’s initiative kung may petisyon mula sa 12% ng kabuuang bilang ng rehistradong botante. Kinakailangan na may representasyon ang bawat legislative district na aabot sa 3% ng rehistradong botante.

Kapag naabot na ang angkop na bilang ng lagda, kinakailangang maghain ng petisyon ang mga proponent ng PI para sa amyendahan ng Konstitusyon. Dito masusing susuriin ang mga isinumiteng mga pirma upang tiyakin ang kahalagahan at legalidad ng mga ito.

Kaugnay nito, kinuwestiyon ng minority bloc sa Senado ang pagsisigasig ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagrerebyu ng 1987 Constitution na nililimatahan sa economic provisions na kautusan ng Palasyo sa Kongreso.

Kapwa nagkaisa sina Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa pagkuwestiyon kay Zubiri sa pagsusulong ng charter change.

Sa pagkuwestiyon kay Zubiri, sinabi ni Pimentel na pawang “knee-jerk reaction” sa inilalakong “peoples’ initiatives ang ginawa ng lider ng Senado sa paghahain ng Resolution of Both Houses No 6 na naglalayong rebyuhin ang 1987 Constitution.

“The filing of RBH 6 was in contrast to the previous Senates’ adamant stand against Charter amendments,” ayon kay Pimentel.

“Nasindak kami doon sa people’s initiative? That must be knee jerk reaction. Relax lang, tingnan natin, when the dust settles makita mo na wala, there’s no need to have reacted that way,” giit ni Pimentel sa phone interview.

Ngunit, pinabulaanan ni Zubiri ang obserbasyon ni Pimentel sa pagsasabing nagkaroon ng konsultasyon sa economic team ng Palasyo kasama ang chief executive kaya isusulong ang pagrebyu sa economic provision ng 1987 Constitution.

“Hindi nasindak ang Senado sa PI but after consultations with the economic team, together with the President, [we found] that most of the investment pledges to the country are pending due to the several cases filed with the Supreme Court on the constitutionality of the PSA law… No other reason but that,” ayon kay Zubiri.

 Kasabay nito, binalaan naman ni Hontiveros ang kasamahan sa Senado na maghinay-hinay sa landasin na tutunguhin ng charter change.

“I am strongly, with all due respect, cautioning my colleagues: the ChaCha journey is treacherous, impractical, divisive, and unwise. Why are we attempting to solve our economic problems by creating another problem?,” giit ni Hontiveros.

“ChaCha can be transformative, but NOT when it is triggered by multiple hidden agendas, power struggle, and in-group bickering,” ayon pa kay Hontiveros.

Tulad ni Pimentel, nagugulumihanan si Hontiveros kung bakit biglang gumulong at ipinipilit ngayon sa taumbayan ang charter change.

“Kung foreign investments lang din naman ang nais natin, mas mabuti kung palakasin muna natin ang loob ng mga mamumuhunan dito sa atin. We need to build confidence in governance by eliminating corruption and improving our business environment, not by creating more instability through ChaCha,” aniya.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.