Dinala ng mga Kastila sa Pilipinas ang fiesta at tinitingnan ito bilang bahagi ng mas malalim na layunin ng kolonisasyon. Totoo iyon. Ginamit ng mga pari at opisyal noon ang pistahan upang palaganapin ang Katolisismo at kontrolin ang mga tao. Pero may isa pa itong layunin: ginamit ito para hikayatin ang mga nakatira sa bundok at malalayong baryo na bumaba sa pueblo, upang mas madali silang mabinyagan, mabilang, at maisailalim sa bagong patakaran.
Sa madaling salita, ang fiesta ay naging pain, isang masayang dahilan para bumisita sa simbahan at sentrong bayan. At dahil likas sa tao ang kainan, kantahan, at pagdiriwang, ang buhay sa bario ay agad umikot sa paligid ng pista.
Ngunit sa San Pablo, ibang-iba ang naging takbo ng kwento. Ang fiesta, na noong una ay kasangkapan ng pananakop, ay unti-unting naging bahagi ng ating sariling kultura. Likas na sa atin ang magtipon at magsaya, kaya ang pistahan ay naging okasyon para sa pamilya, kapitbahay, at komunidad. Ang patron saint ay hindi lamang nakilala; unti-unti itong naging simbolo ng proteksiyon at pagkakaisa.
Noong una, ang entablado ng fiesta ay nasa loob mismo ng cathedral compound. Doon ginaganap ang mga gabing inaabangan ng lahat: Laguna College Night, SPC Night, Ateneo Night at iba pang gabi na punô ng talento, sigla, at tunay na community pride. Simple lang ang setup, pero malalim ang kahulugan. Ang bawat gabi ay parang get together ng magkakaibigan sa mga paaralan, pamilya, at samahan. Isang pistang hindi kailangan ng LED wall para maging bongga.
Paglipas ng panahon, inilipat ang entablado sa plaza, sa harap ng rebulto ni Riza at napalitan ito ang tradisyunal na selebrasyon ng Governor’s Night, Congressman’s Night, Mayor’s Night, at iba pang gabi na may bahid ng pulitika kaysa relihiyon at komunidad. Unti-unti, lumipat ang sentro ng pista mula sa tao patungo sa kapangyarihan. Sa pag-alis ng entablado mula sa bakuran ng simbahan ay tuluyang nawala ang mga alaala ng nakaraan.
Kasabay nito, naging mas makulay at mas maingay ang pista sa San Pablo noong simulan ang street dancing, beer plaza, at mga banda na may malalakas na bass at mga babaeng nakasuot ng maikling shorts habang nakaluwa ang mga dibdib. Bagaman pinasaya nito ang publiko, hindi labis na ikinasiya ng kura paroko. Sabi nya, si San Pablo ay isang ermitanyo na nanirahan ng 90 taon sa isang kweba ay baka hindi natutuwa sa masyadong maingay at may kalaswaang modernong pista.
Noong unang panahon, ang mga kalalakihan ay umiinom din ng tubâ o basi pag pista. Ngunit ngayong taon, ang beer plaza ay tila ilalagay sa night market upang marahil ang mga tagayan at harutan ay mailayo kay San Pablo Unang Ermitanyo.
Ang ilan pang bagong activities sa pista sa San Pablo ngayong 2025 ay gaganapin mula January 12 hanggang 15. Kabilang dito ang San Pablo Unang Ermitanyo Choral Competition at Hataw Sanpy Invitational Dance Competition 2026 sa January 12, The Voice of San Pablo Season 1 at Rotarock XXX.2 sa January 13, Mr. & Ms. San Pablo Star sa January 14, at ang Araw ni San Pablo Unang Ermitanyo sa January 15 na nakatuon lamang sa kabanalan. Inaasahang mas masigla at makulay ang mga bagong kaganapan, ayon kay Monsignor Jerry Bituon. Maaaring madismaya ang ilan sa mga pagbabagong gagawin pero papalag pa ba tayo, si Father, ang otoridad na mismo sa fiesta ang nagsabi.
Tila magle-level up ang mga gimik habang ang diwa ng fiesta, ang pananampalataya at kultura ay nananatiling sentro ng pagdiriwang.
Bagama’t ang fiesta ay orihinal na aktibidad ng simbahan, maaaring namang magdaos ng sariling programa ang mga lokal na pamahalaan nang hindi nilalabag ang prinsipyo ng separation of church and state. Maaaring magbigay sila ng dagdag na kasiyahan at partisipasyon para sa komunidad, basta’t iginagalang ang espiritu ng patron saint at relihiyosong tradisyon.
Sa huli, ang simbahan ang may huling pasya dahil sa kanila talaga ang okasyon, at ang mga LGU ay nakikisalo lang sa pagkakataon at kasiyahan ng pagdiriwang.
Hindi mawawala ang tunay na diwa ng fiesta kahit hindi ito nanatili sa orihinal na konseptong ibinigay ng mga frayleng Kastila. Binabago na natin ito. Dito sa San Pablo City, malinaw na kahit ano pa ang pinagmulan, ang fiesta ay atin. Ginagawa natin itong mas masigla, mas makatao, at mas puno ng kahulugan.
Sa kabila ng lahat, ang fiesta ay hindi na ritwal upang akitin ang mga tao papunta sa pueblo. Ito ay simbolo na ang ating kultura ay may kakayahang sumalo, maghulma, at magpabago ng anumang tradisyong dumaan sa ating kamay. Sa bawat pista, hindi nawawala ang kasaysayan, ang komunidad, at ang pagkatao ng San Pableño na hindi maaaring angkinin ng sinuman.
You can rewrite the traditions you inherit, just shape them into something so meaningful that everyone forgets how they used to be.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






