Plano ng Japan na magtapon ng nuclear wastewater sa Pacific Ocean, kinundena ng mangingisda

0
315

Pinuna ng isang grupo ng mga mangingisda ang plano ng Japan na itapon ang mahigit na 1.3 milyong toneladang nuclear wastewater mula sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant patungo sa Pacific Ocean.

Nagbabala ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na ang wastewater ay maaaring makasira sa Benham Rise at maaaring makaapekto sa mga industriya ng isda sa bansa, lalo na sa panahon ng northeast monsoon o amihan.

“Kung matutuloy ang pagpapakawala ng nuclear treated wastewater at mako-kontamina ang ating mayamang karagatan, magbubunga ito ng malawakang sakuna sa lokal na industriya ng pangisdaan. Tiyak na milyun-milyong mangingisda sa ating bansa ang mapeperwisyo ang kabuhayan bunga ng nakalalasong kemikal na pakakawalan sa mayamang karagatan,” dagdag pa nila,” ayon sa organisasyon sa isang pahayag.

Sa isang media forum, sinabi ni PAMALAKAYA National Spokesperson Ronnel Arambulo na nakikipag-ugnayan sila sa mga environmental group at mga eksperto upang pag-aralan ang epekto ng radioactive water sa ekolohiya ng karagatan at likas na yaman.

“Katulad ng maraming bansa sa Asya, malakas naming tinututulan ang plano ng Hapon na ilabas ang higit sa 1.2 milyong toneladang treated wastewater mula sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant patungo sa Pacific Ocean,” sabi ni Arambulo noong Sabado.

Noong 2011, isang 15 metro na tsunami ang nagdulot ng pagkasira ng power supply at cooling reactor ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant, na nagresulta sa malakas na pagkalat ng radioactive substances.

Sinabi ng Tokyo Electric Power Company Holdings, ang operator ng planta, na ang pagbuga ng treated radioactive wastewater ay magbubukas ng espasyo para sa imbakan ng radioactive water sa kanilang mga pasilidad.

Idinagdag pa nila na ang mga tangke ng planta ay kasalukuyang 96% na puno.

Kaugnay nito, nilinaw din ng Commonwealth ng Northern Mariana Islands na kailangang maghanap ng ibang alternatibo ang Japan bukod sa plano na magtapon ng mahigit sa 1 milyong toneladang treated water sa Pacific Ocean mula sa sira-sirang Fukushima nuclear power station.

Ang Northern Mariana Islands, isang teritoryo ng Estados Unidos na may populasyon na humigit-kumulang sa 51,659, ay may layong 2,500 km (1,553 milya) sa timog-silangan ng Japan. Sinabi ng mga pinuno ng mga isla na ang plano ng Japan ay hindi katanggap-tanggap.

Mariing kinundena ng Commonwealth of the Northern Mariana Islands (VNMI) ang plano ng Japan.

Inihain ni Representative Sheila Babauta ang pinagsanib na resolusyon na kumokontra sa iba pang aksyon ng ibang gobyerno na may kinalaman sa nuclear testing, pag-iimbak, at pagtatapon ng basura sa Pacifico na nagpapatibay sa pangunahing karapatan ng lahat sa ligtas at malusog na kapaligiran.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.