Planong fuel subsidy na P200 itinaas sa P500

0
383

Sa gitna ng batikos sa kakarampot na PHP200 buwanang fuel subsidy na plano ng gobyerno na ipamahagi sa mahihirap na pamilyang Pilipino dahil sa krisis sa presyo ng gasolina, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na inatasan niya si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III na itaas ang subsidy sa PHP500.

Sa isang talumpati sa Palasyo ng Malacañan, sinabi ni Duterte na nakakuha siya ng feedback “mula sa ibaba” na ang PHP200 buwanang cash aid ay “masyadong maliit” at hindi kayang suportahan ang isang pamilya na may tatlo hanggang limang miyembro.

“They are the productive Filipinos for tomorrow ‘pag hindi ngayon. So sabi ko kay Sonny, ‘It will be an uphill battle for the next generation kung gawain natin na PHP500,’” ayon sa kanya.

Ayon sa kanya ay bahala na ang susunod na administrasyon kung saan kukuha ng budget para sa fuel subsidy.

“So I hope that this would go a long way really to help,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Malacañang na layunin ng gobyerno na ipamahagi ang buwanang subsidy sa mga benepisyaryo sa loob ng buwang ito.

Sinabi naman ni Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na ibibigay ang cash aid bukod pa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) conditional cash grant na hanggang PHP3,450 kada buwan.

Ang 4Ps conditional cash grant ay binubuo ng PHP750 health and nutrition grant, educational grants para sa maximum na tatlong bata bawat sambahayan – PHP700 para sa senior high school, PHP500 para sa junior high school, PHP300 para sa elementarya, at isang PHP600 rice subsidy.

Sinabi ni Andanar na ang binanggit niyang halaga ang kasalukuyang kayang bayaran ng gobyerno.

Gayunpaman, ang patakaran ay umani ng mga batikos, maging mula sa mga mambabatas na nagsabing masyadong kakaunti ang PHP200.

Ang hakbang na magbigay ng buwanang fuel subsidy ay kasabay ng desisyon ni Duterte na panatilihin ang excise tax sa iba’t ibang produktong petrolyo.

Sinabi ng DOF na ang pagsususpinde ng mga excise tax sa gasolina ay hahantong sa malaking pagkawala ng kita na PHP105.9 bilyon, o humigit-kumulang kalahating porsyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa ngayong taon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.