Iniulat ng Philippine National Police nitong Sabado na 100 porsyento na silang handa para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bukas, Hulyo 24.
“100% nang ready ang Philippine National Police para i-secure at bigyan ng seguridad ang ikalawang SONA ng ating Pangulo,” ayon kay PNP public information office chief Police Brigadier General Redrico Maranan sa isang radio interview.
Sinabi rin ni Maranan na wala silang na-monitor na anumang banta bago sumapit ang ikalawang SONA ni Marcos.
Nakatakdang magtalaga ang PNP ng mahigit 22,000 pulis sa Metro Manila sa Lunes, ayon kay Maranan.
Ang mga drone ay ipapakalat sa Batasan Complex sa panahon ng SONA upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at masubaybayan ang mga posibleng banta, ayon sa kanya.
“Gagamitin ‘yung ating mga drone sa area ng Batasan Complex. No-fly zone ito dun sa mga unauthorized drone. ‘Yung PNP at iba pang katuwang natin sa security ay gagamit ng drones. Ito ay awtorisado at pinapayagan. Ang main na tinitignan [ng mga drone] ay ‘yung kabuuan ng Batasan Complex; mga kalsada; movement ng mga tao,” aniya.
Muli rin niyang iginiit na ang PNP ay magsasagawa ng maximum tolerance para sa mga protesters na lalahok sa mga rally.
Sa umaga ng SONA sa Hulyo 24, magtitipon ang iba’t ibang grupo sa iba’t ibang lugar para magsagawa ng sariling programa bago sila magsanib sa Commonwealth-Tandang Sora area sa Quezon City.
Isang labor group ang magsasagawa ng forum sa isang covered court sa Quezon Memorial Circle. Isang grupo ng mga guro ang magsasagawa ng “zumba protest” para ipanawagan ang pagtaas ng sweldo.
“Sinabihan natin sila (mga militanteng grupo) na they should police their own ranks. Tignan din nila ang kanilang mga kasamahan at sumunod sa permit na ibinigay ng LGU. Ating i-o-observe ang maximum tolerance. ‘Yung restraint ng security sector para hindi magkaroon ng collision against sa mga grupo [na magkikilos protesta] ay ating i-e-exercise, pero ang maximum tolerance ay may linya. ‘Wag nating i-cross ‘yung linya ng maximum tolerance na may paglabag sa mga umiiral na batas,” dagdag pa niya.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo