MAYNILA. Umabot sa 15 ang nasawi sa mga insidente ng pagkalunod sa buong bansa ngayong Semana Santa, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado de Gloria, Abril 19.
Batay sa datos ng PNP, kabuuang 18 kaso ng pagkalunod ang naitala, kung saan 15 ang nasawi, dalawa ang nasugatan, at isa ang nakaligtas. Kabilang sa mga biktima ang 9 na matatanda at 9 na menor-de-edad.
Maliban sa mga insidente ng pagkalunod, iniulat din ng PNP ang 30 kaso ng mga sakuna sa buong bansa, kabilang na rito ang dalawang banggaan ng mga sasakyan na naganap sa Metro Manila at sa Cagayan Valley.
Naitala rin ang tatlong insidente ng sunog sa Metro Manila, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula, at isang kaso ng panununog sa Negros Island.
Sa kabila ng mga sakuna, sinabi ng pulisya na naging mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita ng mga Pilipino sa Mahal na Araw.
Gayunman, nagpaalala si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa publiko na huwag kaligtaan ang kaligtasan, lalo na sa mga panahong dagsa ang mga tao sa mga ilog, dagat, at resort.
“Naiintindihan po natin ang kasiyahan na dala ng bakasyon, pero hindi po ito dapat maging dahilan para pabayaan ang kaligtasan, lalo na ng mga bata. Napakasakit po ng mga insidenteng ito—paalala na kahit isang saglit ng kapabayaan ay puwedeng magbunga ng trahedya. Huwag po nating iiwan ang mga bata malapit sa tubig, magsuot ng life vest kung kinakailangan, at iwasan ang paglangoy sa mga lugar na walang lifeguards o safety personnel,” ayon kay Marbil.
Pinaalalahanan din ng PNP ang publiko na maging alerto sa tuwing maglalakbay o pupunta sa mga pampublikong lugar, at iwasan ang mga gawain na maaaring magdulot ng sakuna lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo