PNP: 3 patay dahil sa bagyong Kristine sa Bicol

0
567

Tatlong katao ang naiulat na nasawi sa Bicol Region dahil sa epekto ng Bagyong Kristine (international name: Trami), ayon sa Police Regional Office 5 (PRO5) nitong Miyerkules.

Ayon kay Police Brigadier General Andre Perez Dizon, hepe ng Bicol regional police, isang tao ang nawawala at anim na iba pa ang nasugatan hanggang 6:00 ng umaga. Sa isang briefing kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na isang tao ang nasawi sa Palanas, Masbate matapos tamaan ng bumagsak na sanga ng puno.

Batay sa datos ng OCD, pitong tao ang naiulat na nawawala, kabilang ang tatlo mula sa San Fernando, Masbate na pumalaot; tatlo sa Daanbantayan, Cebu; at isa sa Pilar, Cebu. Limang tao rin ang nasugatan—apat sa Northern Samar at isa sa Labo, Camarines Norte dahil sa aksidente sa kalsada.

Samantala, mas kakaunting bilang ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may tatlong tao lang ang nawawala sa Bicol, batay sa kanilang ulat kaninang 8:00 ng umaga. Isa rin ang naiulat na nasugatan sa rehiyon.

Umabot sa 382,302 katao o 77,910 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Kristine sa Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula. Sa mga naapektuhan, 12,334 na tao o 3,095 na pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation center, habang 364 katao o 96 pamilya ang sumisilong sa ibang mga lugar.

Ayon sa NDRRMC, nagkaroon ng mga pagbaha, landslide, aksidente sa kalsada, at pagbagsak ng puno sa mga apektadong rehiyon.

Suspendido ang mga Operasyon sa Pier

Limampu’t pitong bahay ang napinsala, 49 dito ay partially damaged at walo ang totally damaged. May isang estruktura ring nasira.

Nakaranas ng brownout sa 36 na lugar at nagkaroon ng problema sa linya ng komunikasyon sa isang lugar. Sinuspinde naman ang mga operasyon sa 34 na pantalan sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas dahil kay Kristine, na nagresulta sa pagka-stranded ng 4,753 na pasahero, 703 rolling cargoes, 26 na barko, at 13 motorized bancas.

Ayon sa ulat ng NDRRMC, sinuspinde rin ang klase sa 602 na lugar at ang pasok sa 164 na lugar dahil sa banta ng bagyo. Sa kasalukuyan, umabot na sa ₱169,685 ang naipamahaging tulong para sa mga biktima.

Paparating Pa ang Mas Masamang Panahon

Sinuspinde ng Pilipinas ang pasok sa gobyerno at mga klase habang papalapit ang Bagyong Kristine sa silangang baybayin ng bansa. Ipinag-utos ni Pangulong Marcos na maghanda ang mga ahensya ng gobyerno bago pa ito tuluyang mag-landfall.

“The worst is yet to come, I’m afraid. Let’s all prepare,” sabi ni Marcos sa isang briefing. “The volumes of water are unprecedented. We should closely monitor that.”

Bago pa man ang landfall, nagbuhos na ng malakas na ulan si Kristine sa Bicol noong Martes, na nagdulot ng paglisan ng mga residente habang umabot ang tubig baha sa bubong ng mga bungalow house. “We got almost two months’ worth of rainfall in just 24 hours,” sabi ni Cedric Daep, provincial disaster chief ng Albay.

Bunsod ng pagbaha dahil sa bagyo, nagdulot ito ng mga agarang panawagan para iligtas ang mga na-trap na tao, kabilang ang ilan na nasa bubong ng kanilang mga bahay.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.