PNP: 5 pulis na sangkot sa kaso ng nawawalang sabungero’ sa San Pablo City, tinanggal

0
357

Limang pulis na sangkot sa kaso ng nawawalang online cockfighting master agent sa Laguna noong nakaraang taon ang tinanggal sa serbisyo, ayon sa Philippine National Police (PNP) kanina.

Pinirmahan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang dismissal order laban kay Staff Sgt. Daryl Panghangaan, Pat. Roy Navarete, Lt. Henry Sasaluya, Master Sgt. Michael Claveria at Pat. Regil Brosas dahil sa umano’y pagkidnap kay Ricardo Lasco, isang e-sabong master agent na dinukot mula sa kanyang tirahan sa San Pablo City, Laguna noong 2021.

Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang hakbang ay batay sa rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS) na nakakita ng matibay na ebidensya sa mga kasong administratibo na inihain laban sa mga suspek.

Aniya, ang mga pulis na ito ay kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya sa Calabarzon regional police headquarters.

“Once ma-receive nila ‘yung official copy ng kanilang dismissal order then the PNP will let go of them dahil wala na rin jurisdiction ang PNP sa kanila. Kailangan na lang po talaga maipa-receive sa kanila officially para at least they will be given the opportunity, as part of due process to appeal ‘yung recommended penalty sa kanila,” ayon kay Fajardo.

Sa isang resolusyon noong Nobyembre 25 na isinapubliko noong Lunes, nakita ng Department of Justice (DOJ) ang probable cause para kasuhan sina Panghanggan, Navarette at Brosas sa mga kasong robbery at kidnapping habang pinawawalang sala nito sina Sasaluya at Claveria.

Samantala, ikinatuwa naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang indictment ng tatlong pulis.

“Ito ay nagpapatunay lamang na hindi natutulog ang hustisya. Tayo ay natutuwa sa paglabas ng rekomendasyong ito at tayo’y umaasa na mareresolba rin natin ang iba pang kasong ating hawak para dito sa mga nawawalang biktima,” ayon kay CIDG chief Brig. Gen. Ronald Lee sa isang bukod na statement.

Itinuring ng mga state prosecutors na sapat na ang mga testimonya ng lahat ng mga testigo, gayundin ang closed circuit television (CCTV) footage hinggil sa pagkidnap kay Lasco upang maitatag ang kaso.

Ang mga suspek ay positibong kinilala ng mga saksi batay sa kanilang mga pahayag at iba pang ebidensya habang ang grupong pumasok sa bahay ni Lasco na nagpakilalang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at umaresto sa biktima sa bisa ng warrant of arrest para sa large scale estafa noong Agosto 30, 2021 sa Brgy. San Lucas 1, San Pablo City, Laguna.

Dinala rin nila ang maraming personal na gamit at pera ng biktima at mga kamag-anak nito na nagkakahalaga ng mahigit PHP10.4 milyon.

Ang kaso ni Lasco ay isa sa walong kaso na hinahawakan ng CIDG SITG “Sabungero” para sa karagdagang imbestigasyon matapos ma-dismiss ang reklamo para sa kidnapping na inihain ng pamilya ng biktima sa San Pablo City, Laguna prosecutor’s office.

Sa kasalukuyan, itinuturing pa ring nawawala si Lasco dahil patuloy na iniimbestigahan ng CIDG ang walong kaso na kinasasangkutan ng pagkawala ng 34 pang e-sabong enthusiasts simula noong 2020. (CIDG)

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.