PNP: ‘Angels of Death’ nadiskubreng private army ni Quiboloy

0
107

MAYNILA. Tinukoy ng Philippine National Police (PNP) na ang tinaguriang “angels of death” ay tumatayong private army ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy, na diumano’y ginagamit upang bantaan at saktan ang mga biktima ng pang-aabuso at panggagahasa.

Ayon kay PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, ang impormasyon ay batay sa testimonya mismo ng mga biktima sa gitna ng pagsalakay ng PNP sa KOJC Compound sa Davao City. Ang nasabing private army ay binubuo umano ng mga army reservist at militiamen na nagsisilbing tagasunod ni Quiboloy.

“May initial na silang (Police Regional Office 11) pangalan na maaaring miyembro nitong sinasabing ‘angels of death’ na ginagamit para takutin at saktan itong magdi-divulge ng secrets nilang nangyari doon sa loob ng KOJC building,” ani Fajardo. Ang mga nasabing private army ay naghihintay lamang ng utos mula kay Quiboloy.

Si Quiboloy, kasama ang mga kasamahan na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemañes, ay nahaharap sa mga kasong human trafficking, child abuse, at sexual abuse. Samantala, higit 10 indibiduwal na umano’y kumukupkop kay Quiboloy ang nakatakdang kasuhan ng PNP.

“May identified nang KOJC officers at kasama (nila), na siguro ‘yung legal representatives niya, who were very vocal from the start na wala sa loob (ng KOJC compound) si Quiboloy,” dagdag ni Fajardo.

Inihahanda na rin ng PNP ang kanselasyon ng lisensya ng mga baril ng mga miyembro ng “angels of death.”

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo