MAYNILA. Tatanggalin agad ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen Rommel Francisco Marbil sa pagka-pulis ang sinumang durungis sa pangalan ng organisasyon.
Ayon kay Marbil, nag-iisa lang ang PNP kaya marapat lamang na protektahan ang imahe nito. Aniya, “Agad na tatanggalin sa pagkapulis ang mga tiwali naming miyembro bago pa makasuhan sa korte.”
Ito ang naging pahayag ni Marbil sa kanyang pagpunta sa National Capital Regional Police Office kahapon ng umaga, Hunyo 13. Ipinahayag din niya ang kanyang seryosong hangarin na linisin ang hanay sa kapulisan.
Magugunitang makailang beses nang nadawit ang pangalan ng PNP sa mga katiwalian at anomalya na kinasangkutan ng ilang opisyales nito. Ngayon, sa ilalim ng liderato ni Marbil, inaasahan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng disiplina at paglilinis sa organisasyon.
“We are committed to ensuring that the PNP maintains its integrity and trust with the public,” ani Marbil. Patuloy na nakatutok ang pamunuan sa mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan at dangal ng PNP sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap nito.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.