MAYNILA. Kumpirmado na inalis sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Martes.
Batay sa memo mula Malacañang, epektibo agad ang kautusan. Wala pang pahayag si Torre at ang PNP hinggil sa desisyon.
Samantala, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na si Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang hahalili bilang bagong hepe ng PNP.
Itinalaga si Torre bilang ika-31 PNP chief noong Hunyo 2, 2024, at siya ang kauna-unahang nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) na umupo sa pinakamataas na posisyon sa pulisya. Dapat sana ay aabot pa sa isa’t kalahating taon ang kanyang termino bago umabot sa retirement age sa Marso 11, 2027.
Bago naging hepe ng PNP, pinamunuan ni Torre ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung saan siya ang nanguna sa pag-aresto at pag-eskorta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte patungong International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands nitong Marso 11 kaugnay ng kasong crimes against humanity sa war on drugs.
Bilang hepe ng Police Regional Office 11, pinangunahan din ni Torre ang pagkakaaresto kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy sa Davao City noong Setyembre 8, 2024 dahil sa mga kasong human trafficking at sexual exploitation of minors.
Ang biglaang relief kay Torre ay kasunod ng resolusyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na nagbaligtad at nagbago sa ilang appointment ng mga opisyal ng PNP.
Sa Resolution 2025-0531 na inilabas noong Agosto 14, inatasan ng NAPOLCOM ang pagbabalik ni Nartatez bilang Deputy Chief for Administration at ni Police Lieutenant General Bernard Banac bilang commander ng Area Police Command Western Mindanao. Inatasan din nito ang PNP na agad magpalabas ng kaukulang order para sa galaw ng 11 pang opisyal.
Nauna nang sinabi ni Torre na naresolba na ng PNP at NAPOLCOM ang isyu sa reshuffling, ngunit tumanggi siyang ibunyag ang detalye ng kasunduan.

- PNP chief Nicolas Torre III
- Jose Melencio Nartatez Jr.
- NAPOLCOM resolution

Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.





