PNP: Hindi pinapayagan ang mga pulis na magtanggal ng campaign posters

0
364

Hindi dapat masangkot ang mga pulis sa pagtanggal ng mga iligal na campaign materials at posters sa ilalim ng ‘Oplan Baklas’ ng Commission on Elections (Comelec), ayon sa Philippine National Police (PNP) kahapon.

“Sa actual na pagtatanggal at pagbabaklas (ng campaign materials), malinaw po ang tagubilin sa atin na dapat ang PNP po ay limited lamang sa pagbibigay ng security assistance sa miyembro ng task force,” ayon kay PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo sa isang radio interview.

Ang tinutukoy ni Fajardo ay ang task force sa “Oplan Baklas” sa bawat lugar na pinamumunuan ng election officer at co-chaired ng chief of police.

Ito ay sa gitna ng nag-viral na mga larawan ng mga pulis na nagtatanggal ng mga campaign materials sa Echague, Isabela.

Sinabi ni Fajardo na nakarating na sa Camp Crame ang usapin at iniimbestigahan na ngayon.

“Pagpapaliwanagin po ang kanilang immediate supervisors,” dagdag pa niya.

Tiniyak din niya na ang mga tauhan ng PNP na mapapatunayang lumabag sa umiiral na protocol sa usapin ay pagagalitan, kung hindi mapaparusahan sa kanilang mga aksyon.

Samantala, sinabi ng Malacañang kahapon na iginagalang nito ang kalayaan ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa kilos nito laban sa mga iligal na campaign poster at materyales sa ilalim ng programang “Oplan Baklas.”

Sinabi ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles na ang pagsasagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa halalan ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Comelec, na idiniin niya ay isang independent constitutional body.

“We know na based on the Constitution na ang Comelec is an independent constitutional body. So, for election related activities, it’s really Comelec’s rules and regulations ang mai-implement o i-implement ng Comelec based on its constitutional mandate,” ayon kay Nograles sa isang press briefing.

Ayon sa kanya, ang mga may hinaing ay may mga legal na paraan na maaari nilang gawin. Malayang magsampa ng reklamo ang sinuman sa poll body hinggil sa programang “Oplan Baklas,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.