MAYNILA. Itinaas ng Philippine National Police (PNP) ang heightened alert status sa lahat ng Police Regional Offices (PROs) at National Support Units (NSUs) simula Martes ng gabi, Marso 11, 2025, kasunod ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa isang memorandum mula sa PNP Directorate for Operations, ang hakbang na ito ay bilang paghahanda sa posibilidad ng kaguluhan, protesta, at malawakang kilos-protesta matapos ang pag-aresto sa dating Pangulo.
“This pertains to the current nationwide peace and order situation where possible civil disturbance, rallies, and mass actions may arise following the arrest of former President Rodrigo Roa Duterte,” ayon sa memorandum.
Dagdag pa rito, ipinatupad ang heightened alert status sa buong bansa simula alas-5 ng hapon ng Marso 11, 2025.
Pag-aresto kay Duterte sa NAIA
Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Martes ng umaga matapos itong dumating mula sa Hong Kong. Ang dating Pangulo ay hinuli sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.
Dahil dito, nagtipon ang daan-daang tagasuporta ni Duterte sa harap ng Villamor Air Base sa Pasay City bilang pagpapakita ng kanilang pagtutol sa kanyang pag-aresto.
PNP: Handa sa Anumang Banta sa Seguridad
Naglabas ng paalala ang PNP sa lahat ng unipormadong tauhan, lalo na sa mga nagsasagawa ng police operations, upang paigtingin ang seguridad at mag-ingat laban sa posibleng banta.
“All uniformed personnel, especially those performing police operations, are reminded to conduct proactive security measures and execute extreme caution for possible enemy atrocities,” saad ng PNP.
Bukod dito, inatasan ang lahat ng yunit ng pulisya na magpatupad ng mas mahigpit na border control points at maghanda ng CDM contingents (Reactionary Standby Support Force at Quick Reaction Forces) upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Patuloy na babantayan ng PNP ang sitwasyon sa buong bansa habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso kaugnay ng kaso ni Duterte sa ICC.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo