PNP nagsagawa ng manhunt operation laban kay Harry Roque; P1 bilyong suhol ni Alice Guo, iniimbestigahan

0
184

MAYNILA. Naglunsad na ng manhunt operation ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque matapos itong ideklarang pugante ng Quad Committee ng Kamara.

Ayon kay Santa Rosa City Representative Dan Fernandez, co-chair ng Quad Committee, “The PNP is now fully engaged in the manhunt for Atty. Harry Roque and we are coordinating closely with the National Capital Region Police Office and the Criminal Investigation and Detection Group to ensure his swift apprehension.”

Si Roque ay muling pinatawan ng contempt noong Huwebes matapos hindi sumipot sa pagdinig kaugnay sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Isinilbi na ang subpoena at arrest order sa tanggapan ni Roque sa Makati City, subalit hindi ito natagpuan. Huli umano siyang nakita sa Antel Corporation Centre sa Makati.

Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na nagtatago si Roque habang patuloy na lumalabas ang kanyang umano’y koneksyon sa Lucky South 99, isang POGO hub sa Porac, Pampanga, kung saan nakumpiska ang malaking halaga ng droga matapos ang raid ng mga awtoridad.

Bukod dito, hinihingi ng Quad Committee kay Roque ang mga dokumento tulad ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), rekord ng Biancham Holdings na pag-aari ng kanyang pamilya, at mga papeles kaugnay sa pagbebenta ng lupain sa Parañaque City.

Kinuwestiyon din ni Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang biglaang paglaki ng investment ni Roque na umabot sa P67 milyon sa loob lamang ng ilang buwan, gayong P3 milyon lamang ang nauna niyang puhunan, at ang lupain sa Parañaque ay nabenta sa halagang P7 milyon.


P1 Bilyong Suhol ni Alice Guo, Iniimbestigahan na ng DOJ

MANILA, Pilipinas — Iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) ang napaulat na P1 bilyong suhol na inialok umano ni Alice Guo, dating mayor ng Bamban, Tarlac, sa isang negosyanteng Filipino-Chinese para tulungan siyang maayos ang kanyang mga legal na problema sa bansa, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Ang pahayag na ito ay kaugnay ng pagbubunyag ni dating senador Panfilo Lacson na nilapitan umano ni Guo ang isang kaibigan niya na may direktang kontak sa First Family bago ito lumabas ng bansa.

“We are waiting for the result of the investigations being done on her background. We are already pursuing what senator Lacson said. We’re aware that there’s more to it than meets the eye,” ani Remulla.

Dagdag pa ni Remulla, naniniwala siyang hindi simpleng tao si Guo, kundi isang “extremely talented” at may malalim na estratehiya. “Her game runs deep. Her game is very sophisticated,” ani Remulla, na nagpapahiwatig na bilyun-bilyong piso na ang maaaring gumagalaw para mailigtas si Guo sa mga kinakaharap niyang kaso.

Noong Biyernes, inaprubahan ng mga piskal ng DOJ ang paghahain ng kasong qualified human trafficking laban kay Guo at ilan pang mga kasamahan nito, batay sa reklamo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.