PNP, umaasang matutukoy ang ‘Mastermind’ sa kaso ng mga nawawalang sabungero

0
130

Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na makakakuha na sila ng mahalagang impormasyon ukol sa mastermind sa kaso ng mga nawawalang sabungero matapos maaresto ang anim na suspek sa Paranaque City.

Ayon kay Police General Benjamin Acorda, ang hepe ng Philippine National Police, handa silang makipagtulungan sa mga naarestong suspek upang maipagpatuloy ang imbestigasyon. Inaasahan nila na ang mga suspek ay magbibigay ng mahalagang mga detalye ukol sa kaso.

Dagdag pa ni Acorda, maaaring maharap sa mga reklamong “obstruction of justice” ang mga may-ari ng mga bahay kung saan naganap ang mga pag-aresto kung mapapatunayan na nagtago o nagbigay sila ng proteksyon sa mga suspek.

Samantala, may mga pag-aalinlangan mula sa mga kamag-anak ng nawawalang sabungero na baka “planted” ang pagkakaaresto bilang bahagi ng isang plano upang tapusin ang kaso. Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Julie Patidongan, Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Roberto Matillano, Jr., Johnry Consolacion, at Gleer Codilla.

Gayunman, iginiit ni Atty. Angelo Santos, ang abogado ng mga suspek, na walang katotohanan ang naturang paratang. “Malinaw na hindi totoo ang alegasyong ito. Sila ay naaresto batay sa isang warrant of arrest at ngayon ay nakakulong,” pahayag ni Santos.

Hindi pa rin nakakausap ni Atty. Santos ang kanyang mga kliyente matapos ang kanilang pagkakaaresto sa dalawang magkaibang subdivision sa Paranaque. Ayon kay Santos, hindi siya magbibigay ng anumang komento hinggil sa kaso dahil ito ay kasalukuyang nakabinbin sa korte.

Sa hiwalay na report, ang mga suspek na dating mga security guard ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG Region 4A. Natukoy ang kanilang kinaroroonan sa pamamagitan ng isang impormante pagkatapos ng dalawang buwang surveillance operation.

Hinggil sa kasong ito, naghain ng pormal na reklamo ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na sina John Claude Inonog, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, at magkapatid na James Baccay at Marlon Baccay laban sa anim na security officers ng Manila Arena kaugnay ng kanilang pagkawala noong Enero 2022. Ang mga reklamong six counts of kidnapping at serious illegal detention ay inihain noong Marso 18, 2022.

Hinikayat naman ng PNP ang sinumang may kaugnayan o impormasyon ukol sa kaso na magsumbong sa kanila at atanggapin nila ito ng nay proteksyon para sa mga inpormante.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.