“POGO bawal na!” — Pangulong Marcos ipinahayag ang pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa

0
206

MAYNILA. Tuluyan nang ipinagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa. Ang anunsyo ay ginawa sa kanyang mahigit isang oras na State of the Nation Address (SONA) na tumanggap ng sigawan at standing ovation mula sa mga dumalo sa plenaryo ng Kamara.

“Ating maririnig ang malakas na sigaw ng taumbayan laban sa mga POGO,” pahayag ng Pangulo, na nagbigay-diin sa pagnanais ng publiko na matapos na ang mga operasyon ng mga POGO.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang POGO ay nagpapanggap na lehitimong entidad ngunit sa katunayan, nagdudulot ito ng mas malalim na problema, kabilang ang financial scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, brutal torture, at murder.

“Kailangan na matigil ang pang-aabuso at hindi pagrespeto sa ating batas, at kailangan na rin matigil ang panggugulo ng POGO sa ating lipunan at paglapastangan sa ating bansa,” aniya pa.

“Effective today, all POGOs are banned,” giit ng Pangulo sa kanyang pahayag.

Inatasan din ng Pangulo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ihinto ang operasyon ng lahat ng POGO bago matapos ang taon. Kasabay nito, inatasan niya ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-koordinasyon sa mga economic managers para makahanap ng bagong trabaho para sa mga Filipino na mawawalan ng kabuhayan dulot ng pagbabawal.

“Mga minamahal kong kababayan, lagi po nating labanan ang mali at ang masama. Lagi po natin ipaglaban ang tama at ang mabuti,” ang pagtatapos ng Pangulo.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo