Police checkpoint binangga ng van; isang pulis patay, isa sugatan

0
210

SILANG, Cavite. Patay ang isang aktibong pulis habang sugatan naman ang kanyang kasama matapos banggain ng van ang isang checkpoint sa Aguinaldo Highway, Barangay Tubuan 2, Silang, Cavite, dakong 2:00 noog Linggo ng madaling araw.

Sa ulat ni Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Calabarzon regional police director, kinilala ang namatay na si Patrolman John Karl Austria Delyola, 27anyos na residente ng Calamba, Laguna. Samantalang ang nasugatan ay kinilalang si Patrolman Adrienne Carandang Atienza, 29 anyos na residente ng San Jose, Batangas.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente habang nakatayo sa harapan ng checkpoint sina Atienza at Delyola ng biglang dumating ang isang D’Max van na minamaneho ni Jemuelle Bernardo, 22 anyos na residente ng Silang, Cavite.

Sa lakas ng pagkakabangga ng van sa checkpoint, tumilapon ang dalawang pulis na agad ikinamatay ni Delyola at ikinasugat ni Atienza. Ayon sa pagsusuri ng Municipal Health Officer ng Silang, Cavite kay Bernardo, nakainom ang driver at hindi na nito nakontrol ang direksyon ng kanyang sasakyan.

Agad na dinakip si Bernardo at ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, at damage to property.

Ang pagsusuri ng pulisya ay patuloy pa upang ma-establish ang kumpletong detalye ng pangyayari. Samantalang ang pamilya ng nasawing pulis ay binibigyan ng suporta at tulong mula sa kapulisan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.