Posibleng magdulot ng mga pag-ulan ang TD Amang hanggang Biyernes

0
241

Posibleng magdulot ng maulap na papawirin at pag-ulan ang Tropical Depression (TD) Amang sa Huwebes hanggang Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon.

“Inaasahan natin na ang TD ay magpapatuloy pakanluran. Kaya posibleng sa Huwebes hanggang Biyernes, maulap na kalangitan at pag-ulan ang mararanasan ng bansa dahil sa bagyong ‘Amang’,” ayon kay weather specialist Daniel Villamil sa isang public briefing.

Malaking bahagi ng Luzon at Visayas ang makakaranas ng mga pag-ulan at pagbaba ng temperatura, lalo na sa hapon, dagdag pa niya.

Pinaalalahanan ni Villamil ang publiko na subaybayan ang local updates mula sa PAGASA regional centers, lalo na sa Eastern Visayas at Bicol Region, dahil ang mga lugar na ito ay maaaring makaranas ng malakas hanggang sa matinding pag-ulan sa mga susunod na oras o araw.

“Maging alerto laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa,” ayon sa kanya.

Taglay ni “Amang” ang maximum sustained winds na 55 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kph, at tinatayang mananatili bilang tropical depression sa buong forecast period.

Huling natunton ito sa 130 km. silangan-hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes, o 250 km. silangan ng Daet, Camarines Norte.

Malakas na simoy ng hangin hanggang sa malapit na hanging malakas ang iiral sa mga lugar kung saan nakataas ang tropical cyclone wind signal (TCWS) No. 1: Catanduanes, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Quezon kabilang ang Pollilo Islands, Marinduque, Masbate, kasama ang Ticao Island , Burias Island, Rizal, Laguna (San Pablo City, Alaminos, Calauan, Bay, Los Baños, Rizal, Nagcarlan, Victoria, Pila, Liliw, Magdalena, Majayjay, Luisiana, Cavinti, Pagsanjan, Santa Cruz, Lumban, Kalayaan, Paete, Pakil, Pangil, Siniloan, Famy, Santa Maria, Mabitac), Aurora, Bulacan (Norzagaray, Doña Remedios Trinidad, San Miguel, San Ildefonso), Quirino, Nueva Vizcaya (Kasibu, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Alfonso Castaneda), Nueva Ecija (General Tinio, City of Gapan, Peñaranda, San Leonardo, Santa Rosa, Cabanatuan City, Talavera, San Jose City, Carranglan, Pantabangan, Llanera, General Mamerto Natividad, Rizal, Bongabon, Laur, Palayan City, Gabaldon) at Isabela (Echague, San Agustin, Jones, Dinapigue, San Mariano, San Guillermo, Palanan, Angadanan, Benito Soliven, City of Cauayan).

Nasa ilalim din ng TCWS No. 1 ang Northern Samar, Samar (Calbayog City, Matuguinao, San Jose de Buan, Gandara, Santa Margarita, San Jorge) at Eastern Samar (Jipapad, Maslog, Arteche, Oras, San Policarpo, Dolores).

Samantala, maaring maranasan ang maalon na dagat sa silangang seaboard ng Southern Luzon at sa hilaga at silangang seaboard ng Visayas.

Pinayuhan ng PAGASA ang mga fishing boat at iba pang maliliit na sasakyang pandagat na huwag makipagsapalaran sa dagat, at pinag iingat ang  malalaking sasakyang pandagat sa malalaking alon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo