Posibleng nationwide ban sa TikTok dahil sa cyber espionage, tinutukan ng NSC

0
129

Malaki ang posibilidad na ipatupad ang nationwide ban sa social media platform na TikTok kung mapapatunayang may koneksyon ito sa cyber espionage. Ayon kay National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon sa utos ni National Security adviser Eduardo Año.

Ang NSC ay sumusunod sa mga hakbang ng Estados Unidos, India, at Canada na nagpatupad na ng ban sa TikTok dahil sa national security concerns. “Ang pinag-aaralan po namin ngayon ay kung gaano kalaking banta ang TikTok sa ating pambansang seguridad,” ayon kay Malaya.

Dagdag pa niya, ang Chinese company na Bytedance, na nagmamay-ari ng TikTok, ay kinakailangang makipagtulungan sa kanilang gobyerno batay sa batas nito. “May mga features ang apps na pwedeng gamitin para malaman ang galaw ng gumagamit, tulad ng location at online behavior, na maaaring magdulot ng kompromiso sa ating pambansang seguridad,” paliwanag ni Malaya.

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NSC sa state personnel na konektado sa militar, pulis, at iba pang mga security agency. Hinihingi rin ng task force ang pahayag ng TikTok sa Pilipinas at position paper para sagutin ang alegasyong “espionage.”

Tiniyak ni Malaya na matatapos ang imbestigasyon sa susunod na buwan at maghahanda sila ng rekomendasyon kay Año. Samantalang, iniulat ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar na nagpatupad na ang military ng hakbang ukol sa paggamit ng TikTok.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo