Precious moments: Mga bagong life skills na alay ng pandemya

0
421

Nagsasawa na tayo sa mga kwento at balita tungkol sa Covid-19 at bakuna. Kasi nga naman ay ito na lang ang laman araw araw ng mga pahayagan at telebisyon. Kaya pag usapan naman natin ang magagandang aral na itinuro ng krisis na ito sa atin. 

Family is everything

Pamilya ang pinakamahusay na gamot sa lahat. Ngayon, alam na ni Lola at ni Lolo na kung hindi man nila mayakap nang personal ang kanilang apo, pwede naman nilang tingnan si tutoy o si ineng sa video call. Na pwede rin palang mangumusta sa mga anak gamit ang email. Na maaari pa rin nilang ibahagi ang kanilang wisdom sa family group chat. Ang mga bagong technology skills na ito ang pinakadakilang regalo ng COVID sa older generation na karaniwan ay takot sa isolation.

Relax. Unwind. Indulge

Naging normal ang pagpapalayaw natin sa sarili dahil mahalaga ito sa wellbeing – para sa atin at para sa mga nakapaligid sa atin. Naging mahalaga para sa health at equilibrium natin ang mga gawain na dating itinuturing na makasarili. Isa na dito paliligo ng matagal sa bubble bath, ang pagkukukot ng halaman sa likod bahay, pag inom ng tsaa o kape habang nakataas ang paa o pag upo sa may bintana hanggang lumubog ang araw na suot mo pa rin ang iyong robe. Ang pagiging mabait sa sarili ay nag aalok ng konsolasyon sa kung anumang nakakatakot na pangyayari ang meron sa labas ng bahay.

Being broke is no joke

Salamat sa mga quarantine at sapilitang pagtitipid. Kung hindi man tayo mag pasyal, mag shopping o mag party, nakatipid naman tayo ng malaki. Naisip natin kung gaano kahalaga ang may nakatago para sa bukas. Bukod syempre ito sa pambili ng milk tea sa foodpanda o ng fried siomai sa Wentan. Iba pa rin sa pambili ng baking ingredients mo sa Wish Bonilla na pinick up ni rider Liezel. Natutuhan nating magsubi para sa emergency.

Hello po, Chairman

Kung dati ay hindi kasali si Chairman sa programa ng ating buhay, ngayon ay nakita natin kung gaano siya kahalaga sa mga panahon ng krisis. Lalo na kung ang chairman mo ay kasing sipag at kasing galing ni Kap Jeng. Na appreciate natin ang kahalagahan ng barangay system sa bigayan ng ayuda. Ramdam na ramdam natin na safe tayo pag naririnig nating dumadaan ang patrol bike ng mga barangay tanod. Kitang kita natin kung paano inasikaso ni Kap ang mga kapitbahay nating nagkasakit. Nabuhay ang cultural at social character natin.

Life is better with friends

If ever there is tomorrow when we’re not together there is something you must always remember. You are braver than you believe, stronger than you seem, and smarter than you think. But the most important thing is, even if we’re apart, I’ll always be with you. – Winnie-the-Pooh
Tulad ng maraming bahagi ng ating buhay, ang pagkakaibigan ay apektado din ng pandemya. Na miss natin ang mga tsikahan sa office at parties. Nawala ang mga class reunions at nag cancel ng bakasyon ang mga tropang nasa malayo. Naging close tayo sa iilang kaibigan lang. Sa kabilang banda, kapag malungkot tayo, hindi naman natin kailangan ang maraming kaibigan. Mas kailangan natin ang real talk sa ilang kaibigan lang kung saan ay nararamdaman natin ang suporta, pagmamahal at pagtanggap. Ang mahahabang video o audio call noong lockdown sa bestfriend mo ay priceless. Maswerte ako dahil meron akong Vinia at Paul na hindi nagagalit kahit kinukulit.

Ilan lamang ito sa mga bagong awareness na nakuha natin sa gitna ng krisis. Hindi ko na binanggit ang mga plantita at plantito at mga naging mahusay sa pagbuburda at gantsilyo, pagpipinta, pagluluto at pagbi-bake at marami iba pang bagong craft skill. Tayong lahat ay may kanya kanyang adjutsment sa new normal na kinapulutan natin ng mahalagang aral. Nakadagdag ang mga leksyong ito sa emotional intelligence natin. Maituturing nating mga bagong life skills ang mga ito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.