Prime suspect sa pagpatay sa police intel officer sa Batangas, nahuli na

0
466

Calamba City, Laguna. Nahulog sa mga kamay ng pulisya ang itinuturing na public enemy number one na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang police intelligence officer sa Batangas sa ikinasang manhunt ope­ration sa Occidental Mindoro kamakalawa.

Ayon sa ulat ni Occidental Mindoro Police Provincial Director Col. Simeon Gane Jr., ang akusado na si Jaypee Caraos, 37, ay nadakip ng pinagsanib na elemento ng Taal at Magsaysay Municipal Police Station sa kanyang hideout sa Magsaysay, Occidental Mindoro noong Huwebes ng hapon.

Si Caraos ay dinakip ng raiding team sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 86 sa Taal, Batangas dahil sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa, ayon pa rin kay Gane..

Nakalista si Caraos bilang number 1 “most wanted person” sa Batangas bilang prime suspect sa pagbaril at pagpatay sa intel officer na si Chief Master Sgt. Robert Arriola na nakatalaga sa Alitagtag Police Station sa Batangas noong Setyembre 2019, ayon kay Batangas Police Provincial Director Col. Glicerio Cansilao.

Kaugnay nito, noong Setyembre 2019, nakita ang bangkay ni Arriola at motorsiklo nito sa Brgy. Bihis, Taal. Ang kanyang service firearm ay nakuha sa mga suspek na sina Dexter Mendoza at Rodolfo Caraos matapos maaresto sa isinagawang follow-up operations.

Ayon sa nakalap na  report, nag-iinuman ang mga suspek ng mapadaan si Arriola sa lugar sakay ng motorsiklo. Pinaulanan ng bala ng mga suspek ang nasabing pulis matapos magduda na tinitiktikan sila nito.

Sinabi ni Cansilao na matapos ang insidente, nagtago na si Caraos ng tatlong taon hindi lamang sa Mindoro kundi maging sa ilang bayan sa Batangas hanggang sa matunton ito ng tracker team matapos makatanggap ng intelligence report na namataan ang nabanggit na akusado sa bayan ng Magsaysay.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.