SAN PABLO CITY – Nagkaloob ang Pamahalaang Lungsod ng San Pablo ng bagong van, mga helmet, at pito sa Paaralang Pag-ibig at Pag-asa (PPP) upang mapalakas ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan.
Pinangunahan ni Monsignor Jerry Bitoon ang seremonya ng pagpapasinaya, na dinaluhan ni Konsehal Cesarito Ticzon, mga guro, at mga magulang ng mga estudyante. Ang van ay magsisilbing service vehicle ng paaralan, samantalang ang mga helmet at pito ay gagamitin para sa mga earthquake drill, kalamidad, at iba pang emergency.
Ayon kay Mayor Najie B. Gapangada Jr., ang inisyatiba ay bahagi ng prayoridad ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng mag-aaral, lalo na ang mga batang may kapansanan.
“Maituturing na mataas ang antas ng isang lipunan kung ang pamahalaan at pamayanan ay nagmamalasakit sa mga bata. Kaya’t dapat magkapit-bisig ang pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad upang maiangat ang kalagayan ng mga mag-aaral at guro ng Paaralang Pag-ibig at Pag-asa,” pahayag ng alkalde.
Ipinaliwanag naman ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Arvin Carandang na ang mga helmet at pito ay magsisilbing pangunahing kagamitan sa oras ng lindol o iba pang sakuna, habang ang bagong van ay magagamit sa araw-araw na biyahe ng mga guro at estudyante, gayundin sa panahon ng emergency.
Tinatayang 505 mag-aaral ng PPP ang makikinabang sa handog ng lokal na pamahalaan.
Ang Paaralang Pag-ibig at Pag-asa ay nasa ilalim ng Department of Education – Division of City Schools ng San Pablo, sa pamumuno ni Dr. Gerlie Ilagan, bilang bahagi ng special education (SPED) program ng lungsod. Aktibong katuwang din ang samahan ng mga magulang at guro sa pangunguna ni Gng. Elma Paraiso sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga mag-aaral.
May makasaysayang pinagmulan ang naturang paaralan. Ang Paaralang Pag-ibig at Pag-asa ay dating kilala bilang “School of Love and Hope,” isang proyektong itinaguyod ng San Pablo 7 Lakes Jaycees noong dekada 1970 sa pamumuno ni dating presidente Joey Gomez, kasama sina Louie Perlas, Marius Zabat Jr., Jacie Gatchalian, Lito Merin, at Memo Almonte. Nagsimula ang paaralan sa isang lumang quonset hut na ginawang silid-aralan para sa mga batang may special needs, isang simpleng pasilidad na nagsilbing simbolo ng malasakit at boluntaryong serbisyo ng komunidad. Layunin ng proyekto noon na makapagbigay ng edukasyon at pag-asa sa mga batang may espesyal na pangangailangan sa lungsod, isang adhikaing kalaunan ay pormal na inako ng Department of Education upang maging opisyal na pampublikong institusyon.
Sa kasalukuyan, kinikilala ang Paaralang Pag-ibig at Pag-asa bilang kauna-unahang kumpletong special education school sa San Pablo City at sa buong Laguna, patunay ng patuloy na malasakit ng pamahalaan at komunidad sa mga batang nangangailangan ng natatanging gabay at pag-aaruga.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






