Provincial Comelec Campaign Committee ng Batangas, binuo na

0
352

Batangas City, Batangas. Nakiisa ang Batangas PNP sa binuong Comelec Campaign Committee (PCCC) sa lalawigan ng Batangas kahapon sa “Activation of Provincial Campaign Committee” na ginanap sa Camp General Miguel C. Malvar, lungsod na ito.

Sa pangunguna ni Batangas Regional Police Director PCOL Glicerio C. Cansilao at sa ilalim ng pangangasiwa ni  Regional Director PRO Calabarzon PBGEN Eliseo DC Cruz, tiniyak ng Batangas PNP ang pagtataguyod ng ligtas, maayos at mapayapang halalan sa darating na Mayo 2022.

Ang nabanggit na PCCC ay binuo upang tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng new normal na patakaran ng Comelec sa pangangampanya at subaybayan ang mga aktibidad ng mga kandidato sa landas ng kampanya at tiyakin na ang mga alituntunin at paghihigpit ay nasusunod. Kabilang sa mga responsibilidad nito ang pagsasagawa ng regular na pagsusuri sa gawi ng pangangampanya ng mga kandidato at mga partidong pampulitika, pag uulat ng mga lalabag sa mga alituntunin ng Comelec sa pangangampanya at pagpayag o hindi pagpayag sa pagkuha ng mga kandidato ng permiso para sa mga campaign activities.

Ang Comelec Resolution No. 10732, na ipinahayag noong Nobyembre 24, 2021, ay nagsasaad ng mga patnubay para sa pagsasagawa ng mga personal na kampanya, rally, caucus, pagpupulong, kumbensyon, motorcade, caravan, at “miting de advance” sa ilalim ng “new normal” kaugnay ng halalan.

Dumalo sa ginanap na pulong sina  Abigail N. Andres, Provincial Director DILG Batangas; Franz Allen C. Adel, Provincial Manager-DILG Batangas; PLTCOL Jezreel Calderon, Deputy Provincial Director for Operations; PLTCOL Dwight F. Fonte, Jr., Chief Provincial Operation; LTC Edward Canlas ng Philippine Army, Wilfredo Maliksi ng Panlalawigang Liga ng mga Barangay, Rene Dela Peña at Rosanna B Macaraig, mga Provincial Health Office Representatives.

“Lubos po ang aming pasasalamat sa magandang ugnayan ng bawat miyembro ng PCCC. Makakaasa po kayo sa buong suporta ng kapulisan ng Batangas sa pagpapatupad ng mga polisiya upang maisakatuparan ang ating adhikain na maging ligtas, maayos at mapayapa ang National and Local Elections 2022 sa probinsya ng Batangas,” ayon sa mensahe ni Cansilao.

Ang Provincial CCC ay binubuo ng Provincial Election Supervisor, Provincial Health Officer, DILG Provincial Director, Provincial Director ng PNP, at Battalion Commander ng AFP o ng pinakamataas na opisyal sa lugar, ayon sa direktiba ng Comelec.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.