PRRD: Posible ang suspensyon ng e-sabong kung ‘lulubha’ ang mga isyu, kaso na may kinalaman sa pagtaya

0
392

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na maaaring mapilitan siyang ipag-utos ang pagsuspinde ng mga operasyon ng e-sabong (online cockfighting) kung hindi magbabago ang sitwasyon.

Sa isang talumpati ni Duterte sa Lapu-Lapu City, sinabi niyang napansin niya na mas maraming Pilipino na ang nalululong sa online na sabong.

Sinabi niya na hindi siya magdadalawang-isip na ihinto ang operasyon ng e-sabong, kung ang mga isyung may kinalaman sa pagtaya ay magiging “napakaseryoso.”

“Just study if it is true or not. It’s getting to be a very serious problem for the Filipino. Pag-aralan muna natin then kung totoo ‘yan, hintuin ko ‘tan kung ang problema ibigay lang,” ayon kay Duterte.

Binanggit niya na ang online sabong ay nakakaakit ng maraming pamilyang Pilipino, gayundin ang mga pulis at menor de edad.

Gayunpaman, sinabi ni Duterte na ang posibleng pagsuspinde ng mga operasyon ng e-sabong ay hindi maaaring gawin nang madalian dahil ang gobyerno ay kumikita ng milyun-milyong piso mula sa industriya ng pasugalan.

“Ang e-sabong, gusto ng mga congressman na ipahinto. Sabi ko bakit ko ipahinto iyan? Ang e-sabong is giving us PHP640 million a month. We are short of funds kaya sabi ko, ipatuloy iyan,” ayon kay Duterte.

Ang pagkawala ng mahigit 30 sabungero ang nagtulak sa mga mambabatas na magsagawa ng hearing at hinimok si Duterte na itigil ang operasyon ng e-sabong.

Noong nakaraang buwan, hinimok ni Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos ang lahat ng unit commander na siyasatin ang mga gadget ng kanilang mga nasasakupan upang matukoy ang mga pulis na na-hook na sa online na sabong.

Hindi bababa sa tatlong pulis na na-tag sa e-sabong abductions ang nasa ilalim ng mahigpit na kustodiya sa headquarters ng Police Regional Office – Calabarzon at nakatakdang kasuhan sa mga susunod na araw.

Para isulong ang “transparency” sa e-sabong, nauna nang hiniling ni Duterte sa Kongreso na i-regulate ang operasyon ng betting game sa pamamagitan ng pag-isyu ng legislative franchise.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo