Pulis Cavinti na nataga matapos tumugon sa isang hacking incident, ligtas na

0
1536

Sta. Cruz, Laguna. Ligtas na ang pulis na pinagtataga matapos rumesponde sa isang insidente ng tagaan sa Cavinti, Laguna kahapon.

Ayon sa ulat ng Cavinti Municipal Station na nasa pamumuno ni PLT Sergio C. Amaba, nakatanggap sila ng report hinggil sa isang hacking incident sa farm ng isang nagngangalang Alex Principe sa Brgy, Tibatib sa nabanggit na bayan. Agad na rumesponde ang pulis sa pangunguna ni PMSg Emmanuel A. Abutar.

Pagdating sa lugar, sinubukang payapain at awatin ng mga pulis ang hurumentado. Ayon sa mga saksi, ibinaba naman ng suspek ang hawak nitong bolo kung kaya at nilapitan na ito Patrolman Genesis C. Lucero ngunit muling pinulot ng suspek ang itak at pinagtataga ang lumapit na pulis. Dahil dito, pinagbabaril ng iba pang mga kasamang pulis ang suspek upang hindi na mapuruhan si Lucero.

Si Lucero ay nagtamo ng taga sa ulo at mga kamay ngunit idineklara ng mga doktor sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz, Laguna na ligtas na.

Napag alaman sa imbestigasyon na nauna dito ay tinaga ni Mahinay ang isang nagngangalang Robert de la Torre matapos silang magkaroon ng mainit na pagtatalo.  

Samantala, binisita sa ospital ni Acting Provincial Director of Laguna PPO PCol Rogarth B. Campo si Patrolman Lucero at pinahatiran ng kaukulang tulong pinansyal. Iniutos din nito kay Chief, PARMU PLTCol Chitadel Gaorin na gawaran si Lucero ng karampatang parangal.

“Binibigyan ko ng papuri si Patrolman Genesis C. Lucero sa ipinakitang nyang tapang na harapin ang panganib. Hindi sya nag dalawang isip na gawin ang kanyang tungkulin upang maging ligtas ang iba. I encourage every policemen in Laguna PNP to be like Pat Lucero, that without hesitation he performed his mission. Ngunit, nagpapaalala pa din ako na isipin pa din natin ang sariling kaligtasan. Siguraduhin pa din na hindi mapapahamak dahil may pamilya pa din kayo na nag aantay sa inyong pag uwi,” ayon kay Campo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.