Pulis na nangholdap ng gas station, naharang at inaresto ng Laguna PNP sa Pagsanjan

0
849

Pagsanjan, Laguna.  Naharang kanina sa checkpoint sa bayang ito ang isang suspek sa robbery holdup na naganap sa isang tindahan ng Seven Eleven sa UniOil gas station sa Sto. Tomas, Batangas.

Kinilala ang suspek na si Patrolman Glenn Malijan Angoluan na tauhan ng Laguna 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC). 

Ayon sa report, nakatanggap ng sumbong si Laguna Police Acting Provincial Director PCOL Rogarth B. Campo hinggil sa isang insidente ng nakawan na naganap sa Seven Eleven sa UniOil Station sa Brgy. Santiago, Sto. Tomas, Batangas at ang suspek na sakay sa orange/black na Honda motorcycle na walang plaka, may suot na gray hoodie at jogging pants ay tumakas patungong Laguna.

Agad na itinawag ni Campo sa lahat ng checkpoint sa Laguna ang impormasyon at inutos na abangan ang suspek. Naharang at inaresto ang hinihinalang holdaper sa checkpoint sa National Highway, sa Brgy. San Isidro, Pagsanjan.

Batay sa paunang imbestigasyon, umamin ang nadakip na suspek na siya ang responsable sa mga serye ng robbery holdup sa mga Seven Eleven convenience store sa Laguna.

Ibinigay ng Laguna PNP sa Sto. Tomas Police Station ang suspek habang isinasagawa ang inquest proceedings upang isampa ang kasong kriminal laban sa kanya, ayon sa report ni Campo kay Calabarzon Regional Director PBGEN Antonio C. Yarra.

“We will not tolerate the wrong doings in our organization, this is part of our internal cleansing program to Clean our Ranks, it is a good cop versus bad cop combat. Laguna PNP is working and remains strong, especially with the current quick response on any reported criminal act,” ayon sa mensahe ni Campo.

CCTV footage ng insidente ng robbery holdup sa UniOil Station sa Sto. Tomas, Batangas noong Pebrero 16, 2022 kung saan ang isang suspek na pulis ay naharang at inaresto ng Laguna PNP sa checkpoint sa Pagsanjan, Laguna
Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.