Pulis patay sa pagresponde sa road rage shooting sa Quezon, 2 civilian sugatan

0
486

Candelaria, Quezon. Patay ang isang pulis sa Quezon habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente ng road rage shooting na kinasangkutan ng dalawang tricycle driver sa Sitio Bagong Pook, Brgy. Bukal Sur, bayang ito.

Kinilala ang nasawing pulis na si Corporal Reniel Marin ng Candelaria Municipal Police Station na ayon sa report ay binaril ng kapatid ng tricycle driver na naunang nabaril sa road rage incident.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, kasama si Marin sa police team na nagsasagawa ng follow-up investigation sa nangyaring road rage noong Sabado na nauwi sa pamamaril at pagkasugat ng suspek na tricycle driver na si Teodolo Rustia Jr., sa biktima at kapwa niya tricycle driver na si Morfie Azul.

Tumakas si Rustia matapos ang insidente habang dinala naman sa ospital ang sugatang si Azul.

Ayon kay Police Colonel Ledon Monte, director ng Quezon Police Provincial Office, pinuntahan ni Marin, at iba pang pulis ang bahay ng tumakas na suspek na si Rustia ngunit nagpunta rin pala sa bahay ni Rustia ang kapatid ng biktimang si Azul na si Efren, na armado ng baril na kalibre .38.

Noong makita niya ang grupo ni Marin, pinaputukan niya ang mga ito at tinamaan sa dibdib si Marin. Sumailalim sya sa emergency operation sa Peter Paul Hospital sa Candelaria, Quezon ngunit binawian din ng buhay

Tinamaan din sa ginawa iyang pamamaril ang dose anyos na anak ni Teodolo Rustia Jr na kinilalang si Erica Shane Baliton na napag alamang kasalukuyang nasa maayos ng kalagayan.

Nakatakas naman si Efren at kasama ni Rustia na tinutugis ngayon ng mga pulis.

Nag ugat ang road rage shooting matapos magtalo hinggil sa trapiko si Azul at Rustia habang sakay sa minamaneho nilang tricycle hihinggil ngil sa trapiko na naging dahilan upang barilin ni Rustia ang biktima na si Azul ng dalawang beses.

Hinala ni Monte, posibleng napagkamalan ni Efren ang mga pulis na kamag-anak ng suspek na si Rustia na nakabaril sa kapatid niya

Patuloy na tinutugis ngayon ng mga awtoridad si Efren at si Rustia.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.