Pulis, patay sa riding in tandem hitmen sa Batangas

0
294

San Juan, Batangas. Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng riding in tandem hitmen sa national highway sa Brgy. Calicanto, sa bayang ito kahapon.

Kinilala ni PLt.Col. Glicerio Cansilao, Batangas PNP provincial director, ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Romel Mapa Panopio, 43 anyos at nakatalaga sa Batangas Police Provincial Office.

Batay sa report ng San Juan Municipal Police Station, bandang alas 3:10 ng hapon ay nagmamaneho ng kanyang KIA Pride si Panopio galing sa kanilang bahay sa Brgy. Tipas sa San Juan patungo sa headquarters sa Batangas City ng sabayan ito ng dalawang motorcycle riding hitmen na bumaril sa  biktima. 

Sa kuha ng closed-circuit TV footage sa lugar na pinangyarihan ng krimen, makikita ang pagsunod ng mga salarin sa sasakyan at pagsapit sa nabanggit na barangay ay bumunot ng baril ang angkas at sunod sunod na pinaputukan ang biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Lipa City matapos ang pamamaril.

Isinugod naman sa ospital ang pulis subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga salarin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.