Pulong ng SLPC, matutuloy na

0
267

Sa aming pagpupulong ni Seven Lakes Press Corps (SLPC) Secretary General Ruben Taningco ay napagkaisahang kung sakaling bababa pa ang bilang ng mga active cases ng San Pablo ay maaaring ganapin sa December 10, 2021 ang taunang pagsasama-sama at pagpupulong ng aming grupo.

Bagama’t mahigit 30 lang ang aktibong  opisyales at kasapi ng SLPC ay nakahanda kaming muling ipagpaliban ang taunang isinasagawa kung saka’sakaling magkamerong muli ng surge ang Covid-19 sa petsang nabanggit. Harinawa’y huwag mangyari.

Kung tutuusin ay pup’wedeng gawin ang nabanggit na okasyon ano mang araw at petsang gustuhin lalut nakikita ang kaliwa’t kanan FB posts ng mga okasyon at pagpupulong isinagawa  ng iba’t ibang grupo at organisasyong nandito sa lungsod. Basta’t nasusunod ang health protocols at sumasangayon sa itinatagubilin ng Local Inter-Agency Task Force – ‘tuloy ang bange kahit basa pa ang bunot!’

Gaano lang baga ang umarkila ng isang malawak na private reception hall o ‘open-space’ sa isang magandang resort upang doon dumating at magpulong ang  30 kataong taga SLPC? Kung papalarin pa’y baka may magkusang ipagamit ng libre ang naturang lugar?

Subalit isinantabi ang posibilidad na ito. Hihintayin na lamang ang sobrang pagliit ng mga kasong Covid ng Lungsod na sa  pagtataya’y mangyayari kung magpapatuloy hanggang sa unang linggo ng December 2021.

Ang mga nilalaman ng tatlong (3)  linggong  pag uulat ng SLPC hinggil sa mga kasong Covid ang pinagbatayang matutuloy ang binabalak na patawag sa December 10.

Naiulat mula September 23 hanggang September 30 ay 17 ang Average Daily attack Rate (ADAR) o 51 San Pableños ang araw-araw  nadadapuan ng Covid 19; naging 13 ADAR noong September 30 to October 7 o 39 San Pableños kada araw; October 7 hanggang October 14 ay naging 9 na lamang ang ADAR nangangahulugang 27 kada araw.

Ang higit na magandang nangyayari upang masabing matutuloy ang aming balak ay ang napatalang ADAR sa nakalipas na limang araw, October 14 to October 19. Naiulat ng SLPC na may kabuuang 84 lamang na San Pableños ang nagpositibo sa Covid-19 at kung tutuisin ito’y 5.6 ADAR o 16.8 San Pableños kada araw!

Dahil sa mga nabanggit sa itaas ay hindi pangangarap at lalong hindi milagrong matutuloy ang binabalak na okasyon. Ngayon pa lang ay paplanuhin na kung papaano hindi magkakadami ang mga magnanais at personal na makikiisa sa aming gaganaping pagpupulong at get-together lalu’t nalalapit na ang Halalan 2022 kung kailan dinudumog ng pagbati’t pakikiisa ang aming hanay.

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.