Pumanaw na si Antipolo Rep. Romeo Acop

0
282

MANILA — Sumakabilang-buhay si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop matapos umanong matagpuan na walang malay sa kaniyang silid at saka isinugod sa Assumption Hospital noong Sabado ng gabi, Disyembre 20, kung saan idineklarang patay na siya.

Kinumpirma ni Antipolo City 1st District Rep. at House Deputy Speaker Ronaldo Puno, na chairman ng National Unity Party (NUP), ang pagkamatay ni Acop sa pamamagitan ng mensahe sa mga reporters nitong Linggo, Disyembre 21. “Sadly, he has really passed on. Our hearts are broken,” ani Puno. Si Acop ay 78 taong gulang.

Ayon kay Puno, sumailalim si Acop sa matagumpay na kidney transplant noong Nobyembre 28 at maayos ang takbo ng kaniyang paggaling. “He was recovering well and he was up and about. We were excited for his imminent return to us,” dagdag niya.

Batay sa ulat, bandang 10:12 ng gabi ng Sabado, Disyembre 20, natagpuan si Acop na nakahandusay sa sahig ng kaniyang bunsong anak na si Dr. Karla Marie Acop at ng kaniyang security aide na si Pat Frank Louie Pastrana, matapos mag-doorbell ang nurse ng mambabatas. Agad siyang isinugod sa Assumption Hospital subalit idineklarang patay na dakong 10:56 ng gabi.

Inilalarawan si Acop bilang tahimik ngunit tapat na kasapi ng NUP, na itinuturing na ikalawang pinakamalaking partido sa House of Representatives. Sa mahabang panahon ng kaniyang panunungkulan, naging matatag siyang boses sa mga usaping pambatas at kilala sa kanyang disiplina sa trabaho.

Sa nakaraang 19th Congress, naging sentro ng atensyon si Acop bilang pinuno ng quad-committee, isang pinagsamang lupon na nagsagawa ng sunod-sunod na pagdinig sa mahahalagang isyu. Sa kasalukuyang 20th Congress, iilan na lamang ang natira sa orihinal na pamunuan ng quad-committee, kabilang si Acop at si Bienvenido Abante, na parehong kinilala sa kanilang karanasan at pamumuno.

“Our hearts are broken. He was a friend for more than 25 years and a devoted, courageous, honest public servant. The Congress and our Country are the lesser for his loss,” dagdag pa ni Puno.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo