Pura Luka Vega, inaresto sa Maynila

0
203

MAYNILA. Inaresto ng mga elemento ng Manila Police District (MPD) Station 3 sa bisa ng warrant of arrest ang drag performer na si Pura Luka Vega, o mas kilala sa tunay na pangalang Amadeus Fernando Pagente, noong Miyerkules ng hapon, Oktubre 4, sa ilalim ng isang manhunt operation.

Sa isang panayam kay MPD-Public Information Office Major Philipp Ines, kinumpirma nito ang pagkakadakip kay Vega, na isa ring senior health program officer ng Department of Health (DOH). Ang pag-aresto ay kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kanya ng mga opisyal ng Hijos del Nazareno ng simbahan ng Quiapo.

Hinuli si Vega sa kanilang tahanan sa Hizon St., Brgy. 339, Sta. Cruz, Maynila, alinsunod sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Czarina Encarnacion Samonte-Villanueva, RTC Judge ng Manila Regional Trial Court Branch 36.

Kasalukuyang kinakaharap ni Vega ang mga kasong Immoral Doctrines, Obscene Publications and Exhibitions, indecent Shows, at paglabag sa Cyber Crime Prevention Act.

Nauna dito nag-viral si Vega sa social media matapos magsuot ng damit ng imahes ng Poong Itim na Nazareno habang umaawit ng rock version ng “Ama Namin. Ang performance na ito ay nagdulot ng malalim na kontrobersya at nagtulak sa mga awtoridad na itaguyod ang mga legal na hakbang laban sa kanya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.